Pagdami ng dengue at leptospirosis cases, bagong hamon sa mga pagamutan
ni Ryan Sison - @Boses | August 29, 2022
Bagama’t bumaba ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa mga bansa, dumami naman ang mga naa-admit sa ospital dahil sa dengue at leptospirosis.
Ayon sa Department of Health (DOH), bumaba nang 14% ang average daily cases na ngayon ay nasa 3,231 mula 3,755 kada araw noong nakaraang linggo. Habang mabilis umanong nag-plateau ang bilang ng severe at critical COVID-19 cases, na mababa pa rin sa 10% ng mga naka-admit at hindi lumalagpas sa 1,000.
Gayunman, ang nakikitang pagsubok ng DOH ngayon sa mga ospital ay ang pagdami ng mga sakit na karaniwan tuwing tag-ulan.
Kabilang na riyan ang dengue, kung saan tumaas umano nang 153% ang bilang ng mga naa-admit mula Enero 1 hanggang Agosto 6, kumpara sa parehong panahon noong 2021. Umakyat naman ang bilang ng leptospirosis cases noong Enero 1 hanggang Agosto 6, 2022 sa 1,411 mula 1,157 sa parehong panahon noong nakaraang taon. Samantala, tumaas din ang kaso ng cholera sa 230% at typhoid fever sa 109%.
Isa umano sa mga dahilan ng pagtaas ng bilang ng kaso ng mga sakit ay ang pag-ulan, kung saan maraming napuputulan ng tubig. Ito umano ang nagiging dahilan ng paghahanap ng suplay ng mga tao, ngunit maruming tubig ang nakukuha, kaya nagkakaroon ng mga ganitong sakit.
Batid nating karaniwang sakit ang mga nabanggit tuwing tag-ulan, pero nakababahala ang dami ng mga tinamaan nito ngayong taon. Kaya ang tanong, kumusta ang ating mga pagamutan, kinakaya pa bang tugunan ang mga pasyente? Ang mga healthcare workers, nakahihinga pa sa dami ng pasyente?
Bukod sa banta ng COVID-19, nariyan pa ang ibang sakit, kaya kung hindi talaga maiiwasan, pakiusap natin sa lahat na doblehin ang pag-iingat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments