top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pagdagsa sa vaccination centers, ‘di na dapat maulit

Writer: BULGAR
BULGAR
May 20, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | May 20, 2021



Upang maiwasan ang pagdagsa ng mga nais magpabakuna kontra COVID-19, tinitiyak ng bawat vaccination centers sa iba’t ibang panig ng bansa na magkaroon ng limit ng babakunahan kada araw.


Ang siste, kailangan munang magparehistro online o sa bawat barangay, saka maghihintay ng schedule kung kailan tuturukan.


Ngunit kamakailan, tila hindi ganito ang nangyari sa ilang vaccination center sa Metro Manila kung saan dumagsa ang mga nais magpa-schedule o magpaturok.


Kaugnay nito, pinaalalahan ng health experts ang publiko na magparehistro muna bago pumunta sa vaccination centers. Gayundin, hinihikayat ng mga eksperto ang mga Pilipino na kunin ang anumang available na bakuna kontra COVID-19 dahil lahat ito ay epektibo at aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).


Sa totoo lang, nakatutuwa na mas marami na tayong kababayan na nais magpabakuna, pero utang na loob, tiyakin nating tama ang bawat hakbang na ginagawa natin bago magpaturok.


Tulad ng nangyari kamakailan na karamihan sa mga pumunta sa vaccination centers ay nag-walk-in o pumila kahit hindi naka-schedule, na naging dahilan upang umuwi na lamang ang ilang senior citizens at persons with comorbidity.


Samantala, pakiusap sa mga lokal na pamahalaan, kasabay ng paghikayat sa ating mga residente na magpabakuna, tiyaking hindi na mauulit ang ganitong eksena. Baka sa halip na proteksiyon kontra virus ang makuha ng mga residente ay makasagap pa ng ibang sakit.


Panawagan naman sa ating mga kababayan, kung gustong magpabakuna, matuto rin tayong sumunod sa mga hakbang na itinakda ng gobyerno. ‘Pag sinabing bawal ang walk-in, bawal.


Kung patuloy na daragsa ang mga nais magpabakuna sa vaccination centers, panibagong sakit ng ulo ito sa ating LGUs.


‘Ika nga, maging tulong tayo sa bawat isa, at ang pagsunod sa mga hakbang at panuntunang itinakda ng pamahalaan ang isa sa ating malaking ambag sa laban na ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page