top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pagbuo ng task force vs. vote buying, bilisan!

BULGAR
Mar 25, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | March 25, 2022


Bubuo ng task force ang Commission on Elections (Comelec) para imbestigahan ang mga natatanggap na ulat ng vote buying o bentahan ng mga boto.

Magiging katuwang ng komisyon ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Justice (DOJ) sa pagbuo ng naturang task force.

Matatandaang nag-umpisa noong Pebrero 8 ang campaign period para sa national candidates, habang ngayong araw naman magsisimula ang kampanya para sa local positions.

Samantala, binigyang-diin ng opisyal ng Comelec na kailangang may pormal na paghahain ng reklamo.

Posible aniyang maparusahan ang mga bumibili at nagbebenta ng boto, kahit pangako o alok lamang, basta sapat para makaimpluwensiya ng boto.

Gayunman, kabilang sa mga posibleng parusa ang pagkakakulong, disqualification sa pagtakbo ng kandidato at kawalan ng karapatang bumoto.

Sa totoo lang, hindi na bago ang insidente ng vote buying tuwing halalan — local o national election man ‘yan. Nakakalungkot lang dahil matagal na itong isyu, pero hanggang ngayon ay ‘di pa rin natutuldukan. Imbes na masolusyunan, eh, lumalala pa.

Kaya panawagan natin sa komisyon, bilisan ang pagbuo ng task force nang maaksiyunan ang mga nakahanay na ulat.

Kailangang sakop din nito ang nagpapakalat ng fake news hinggil sa mga bilihan ng boto dahil hindi lamang ito nakakasira ng imahe ng ibang kandidato kundi nababahiran din ng dumi ang halalan.

Hindi magiging matagumpay ang komisyon sa pagsugpo ng vote buying kung hindi rin kikilos ang mga taumbayan.

Kaya pakiusap sa publiko, kung nais nating matigil ang ganitong kalakaran tuwing halalan, kumilos din tayo. Kapag may nakitang ilegal na gawain, ‘wag tayong matakot magsumbong sa mga kinauukulan.

Hangad nating lahat na magkaroon ng mayapa at malinis na halalan, kaya dapat maging parte tayo ng solusyon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page