top of page
Search
  • BULGAR

Pagbubukas ng mga malls sa NCR, extended — MMDA

ni Lolet Abania | November 1, 2021



Sumang-ayon na ang mga mall operators na palawigin ang kanilang operating hours sa gitna ng pagbibigay-daan para sa panahon ng kapaskuhan.


Sa isang radio interview ngayong Lunes kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos, sinabi nitong iminungkahi niya ang extension ng mall hours dahil sa ang bilang ng mga sasakyan sa EDSA ay dumarami na aniya, posibleng magdulot ng mas matinding trapiko.


“Pumayag naman ang mga malls [mall operators],” ani Abalos.


Ayon kay Abalos, nag-aalala lamang ang mga mall operators hinggil sa ipinatutupad na curfew at ang limitadong kapasidad na pinapayagang magsakay ng mga pasahero sa mga public utility vehicles (PUVs).


Paliwanag naman ng MMDA chief, mayroon nang resulta mula sa botohang ginawa ng mga Metro Manila mayors hinggil sa curfew at isang resolution ang kanilang nabuo habang ipapalabas nila ito isa o dalawang araw mula ngayon.


Para sa limited capacity sa pampublikong transportasyon, sinabi ni Abalos na ang Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ay pinalawig na ito ng hanggang 70%.


Matatandaang hiniling ni Abalos sa mga mall operators na i-extend ang kanilang operating hours para mabawasan ang trapiko at makatulong sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.


Bukod dito, iminungkahi rin ni Abalos sa kanila na mag-iskedyul ng mga sales tuwing weekends at holidays lamang, subalit huwag itong gawin kapag weekdays.


Pinaigsi naman ang curfew sa Metro Manila na mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw simula noong Oktubre 13.


Gayundin, inanunsiyo ng Malacañang na ang NCR at 10 iba pang lugar ay isinailalim sa Alert Level 3 mula sa Nobyembre 1 hanggang 14.


Marami ring mga establisimyento ang pinayagang mag-operate ng 30% indoor venue capacity na para lamang sa mga fully vaccinated individuals at 50% outdoor venue capacity, subalit dapat ay fully vaccinated na ang kanilang mga empleyado.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page