top of page

Pagbubukas ng klase, inihirit na ipagpaliban ng isang linggo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 29, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 29, 2024



Boses by Ryan Sison

Hinimok ng grupo ng mga guro ang Department of Education (DepEd) na i-delay ang simula ng mga klase, na orihinal na itinakda ngayong araw, July 29, ng isang linggo sa mga lugar na tinamaan ng matinding pagbaha at malakas na pag-ulan kamakailan. 


Ayon sa Teachers’ Dignity Coalition, ang pagpapaliban sa pagbubukas ng klase sa mga lugar na sinalanta ng bagyo sa Metro Manila at mga karatig lalawigan ay magbibigay ng mas maraming oras sa kanilang mga kababayan, magulang, mag-aaral, at maging mga guro upang magkapaghanda para sa school year.


Ipinaliwanag ni TDC national chairperson Benjo Basas na hindi ang kahandaan lamang ng eskwelahan ang kinakailangang ikonsidera, kundi lalo pa ang kahandaang pisikal, sikolohikal at pinansyal din ng mga magulang, mga bata at ng mga guro. 


Aniya, maraming pamilya ang naapektuhan ng pagbaha na dala ng Habagat na pinalakas ng Bagyong Carina. Ilan sa kanila ang nawalan ng tahanan at nasira ang mga kagamitan, habang ang iba pa ay nawalan ng mga mahal sa buhay.


Gayundin, hinikayat ni Basas ang DepEd na direktang kumonsulta sa mga guro at magulang sa pagbubukas ng klase dahil maaaring hindi accurate ang assessment ng ilang opisyal ng eskwelahan sa resulta ng bagyo.


Nauna nang ipinahayag ng kagawaran na mahigit 1,000 pampublikong paaralan sa buong bansa ang nagpasyang ipagpaliban ang pagbubukas ng kanilang klase ngayong Lunes para sa paglilinis at rehabilitasyon kasunod ng mga pagbaha. 


Kabilang sa mga apektadong lugar ang Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, South Cotabato, Sultan Kudarat, at General Santos City.


Sinabi naman ng DepEd na karamihan sa mga klase ay magbubukas pa rin ngayong araw sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo, bagama’t may kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na i-postpone ang classes.


Iniutos na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pagbubukas ng klase ng July 29 ay dapat ituloy hangga’t maaari.


Mainam ang nais ng mga guro na mabigyan ng kahit na isang linggo pa ang mga estudyante, magulang, guro at iskul na mas makapaghanda pa bago tuluyang simulan ang kanilang klase.


Hindi naman siguro maaantala nang husto ang kanilang pag-aaral lalo’t alam ng lahat na matindi ang hagupit na pinagdaanan natin dahil sa bagyo at habagat.


Kumbaga, makabawi man lang sana ng ilang araw dahil maaaring ang iba sa kanila ay walang gamit na naisalba dulot ng pagbaha sa kanilang lugar at posibleng ang kanilang mga libro, uniporme at iba pang kagamitan na pamasok ay inanod at nawasak. 


Subalit, kung sa mga lugar na hindi naman masyadong naapektuhan ng pagbaha, maaari na rin siguro nilang simulan ang kanilang klase.


Marahil, dapat na mas dagdagan ng kinauukulan ang kanilang pagsisikap na maisaayos ang kapaligiran at kalagayan ng mga mamamayan nang sa gayon ay agad na maibalik sa normal ang ating sitwasyon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page