Search
  • BULGAR

Pagbubukas ng ekonomiya, depende sa dami ng bakuna

ni Ryan Sison - @Boses | March 03, 2021


Sa kabila ng pag-arangkada ng pagbabakuna kontra COVID-19 sa bansa, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang buksan ang ekonomiya kung aabot sa 20 milyon hanggang 40 milyon doses ang naka-stock na bakuna laban sa COVID-19.


Dagdag pa ng Pangulo, lugmok ang ekonomiya kaya dapat bilisan ang pagbabakuna.


Samantala, isang milyong doses ng bakuna ang inaasahan ngayong buwan at kailangang magkaroon ng 2 milyon doses para mailagay sa modified general community quarantine (MGCQ) ang Metro Manila.


Matapos ang isang taon mula nang manalasa ang pandemya, napakarami nating kababayan ang hirap makabangon.


Milyun-milyong manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay, napakaraming negosyo ang nagsara dahil sa pagkalugi at apektado ang iba’t ibang industriya.


Hanggang ngayon, napakarami pa ring nag-a-adjust dahil sa maraming pagbabago na ating kinahaharap, at isa na nga rito ang pagdiskarte upang mairaos ang bawat araw.


Gayunman, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na sa Mayo pa maaaring magsimula ang pagbabakuna sa publiko. Pero siyempre, dapat muna nating matiyak na mayorya ng Pilipino ang mababakunahan, pero ang tanong, marami na bang handang magpabakuna?


Kaya sa ngayon, mahalagang paigtingin pa ang information drive tungkol sa bakuna dahil malaking tulong ito para maging kumpiyansa ang publiko na magpabakuna.


Mahirap kasi kung magkakaroon nga tayo ng maraming bakuna, pero ang ending ay masasayang lang dahil walang gustong magpaturok.


Totoo na kailangang-kailangan nang umusad ng ekonomiya, pero ‘ika nga, hindi ito mangyayari hangga’t hindi pa ligtas ang bansa laban sa banta ng COVID-19.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.