top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Pagbibigay-pugay sa lahat ng may dugong bayani sa araw ng kagitingan

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 10, 2023
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 10, 2023



Ang Department of National Defense (DND) at ang Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) ay sabay hinimok ang ating mga kababayan na bigyang-pugay ang mga beteranong Pilipino sa araw na ito dahil ginugunita natin ang ika-81 Araw ng Kagitingan kasabay nang paggunita sa 2023 Philippine Veterans Week mula ika-5 hanggang ika-12 ng Abril.


Ang theme ngayong taon ay ‘Kagitingan ng mga Beterano, Pundasyon ng Nagkakaisang Pilipino’ na layuning maalala ang katapangan at sakripisyo ng mga beterano na naging pundasyon ng kalayaan ng bansa, ang kanilang kabayanihan ay nagpapaalala sa bawat Pilipino hinggil sa pagkakaisa ng ating bansa.


Ang Abril 9 ng bawat taon ay ang opisyal na araw na ginugunita ang Araw ng Kagitingan na itinalaga ng Executive Order No. 203, s. 1987, ngunit ang selebrasyon nito ay iniurong ngayong araw ng Lunes, Abril 10, ayon sa Proclamation No. 90, s. 2022, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.


Ang Araw ng Kagitingan na kilala rin bilang ‘Day of Valor’ at ‘Bataan Day’, isang pambansang araw na regular nating ginugunita dahil sa pagbagsak ng Bataan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.


Isa itong holiday sa ating bansa na ipinagdiriwang tuwing ika-9 ng Abril, ngunit natapat ng araw ng Linggo kaya binigyang daan na maipagdiwang natin ito ngayong araw upang gunitain ang sakripisyo, katapangan at pagmamalasakit ng ating mga kababayan noon panahon ng digmaan.


Bukang liwayway noong Abril 9, 1942 makaraan ang humigit-kumulang tatlong buwang pakikipaglaban sa Bataan ay isinuko ni Major General Edward King Jr. ng Estados Unidos at pinuno ng puwersa ng Luzon ang mahigit-kumulang sa 76,000 sundalo sa puwersa ng mga Hapon.


Nasa 67,000 ang bilang ng sundalong Pilipino, 1,000 ang Tsinoy, at 11,796 naman ang Amerikanong sundalo na noon ay magkakaalyado na pawang nagugutom at nagkakasakit na bago pa sinamsam lahat ng kanilang kagamitan ng mga Hapones.


Ang mga bilanggo ng digmaan ay sapilitang pinaglakad ng may 140 kilometro na tinawag na ‘Martsa ng Kamatayan sa Bataan’ patungo sa Kampo ng O’Donnel sa Capas, Tarlac at sa huling yugto ay pinagsiksikan pa sila sa mga bagon ng tren patungo sa kulungan.


Dahil sa grabeng hirap na kanilang naranasan, nasa 54,000 lamang ang mga sundalong bihag na umabot ng kulungan na siya nating ginugunita ngayon tuwing sasapit ang Araw ng Kagitingan.


Halos ganito rin ang hirap na dinaranas ng ating mga frontliner, na sa kabila ng banta ng kamatayang sa kasagsagan ng pandemya ay patuloy nilang ibinubuwis ang kanilang mga buhay, maisalba lamang ang mas marami pang buhay.


Kung noong World War II ay ginugunita natin ang kabayanihan ng ating mga sundalo, karapat-dapat din nating bigyang pugay ang pakikidigma ng ating mga frontliner laban sa hindi nakikita, ngunit nakamamatay na kalaban.


Mahigit dalawang taon na tayong nasa gitna ng digmaan laban sa pandemyang ito na hindi pa rin tapos hanggang ngayon at sa kabila nito ay may banta naman ng panibagong pagtaas ng kaso ng sakit at mariin tayong pinag-iingat ng Department of Health (DOH).


Ilan na ba sa ating mga kababayan ang inialay ang kanilang buhay tulad ng mga doktor, nurse, pulis, sundalo, mga taga-barangay at mga kahalintulad nila sa pagtugon sa tawag ng kanilang tungkulin? Sila na hanggang ngayon ay tuloy pa rin kahit hindi pa tayo nakakasiguro kung kailan talaga matatapos ang pandemyang ito, kaya marapat lamang alalahanin ang mga kababayan nating nagbuwis ng buhay para sa kaligtasan ng iba.


Bukod sa mga health workers at iba pa nating kababayan na nagbuwis ng buhay, dapat din nating gunitain ang pagsagupa ng marami sa ating mga guro na itinataya rin ang kani-kanilang buhay para maihatid lamang ang kaalaman para sa mga mag-aaral.


Hindi nila alintana ang kahinaan ng serbisyo ng internet sa ating bansa na bukod sa napakamahal ay napakabagal, pero patuloy sila sa pagtupad sa kanilang tungkulin bilang guro.


Ganundin ang ating Overseas Filipino Workers (OFWs) na wala pa ang pandemyang ito ay itinuturing na nating bayani dahil hanggang sa kasalukuyan ay isa sila sa mga dahilan kung bakit kahit paano ay pumapalo ang ating ekonomiya dahil sa kanilang remittances.


Ang mga manggagawa ay dapat din nating alalahain sa araw na ito dahil hindi nila alintana ang naging banta ng kamatayan dulot ng pandemya, maitawid lamang ang pangangailangan ng mga mahal nila sa buhay.


Marami sa ating mga manggagawa ang kinakailangan pang maglakad ng malayo, ang iba ay naobligang gumamit ng bisikleta para lamang makarating sa kanilang pinapasukan upang makapaghanapbuhay para sa kani-kanilang pamilya.


Alalahanin din ang marami nating kababayan na nawalan ng hanapbuhay, ang mga jeepney driver na umabot na sa pamamalimos, ngunit hindi sila sumuko at pinilit pa ring kumita sa malinis na paraan sa halip na maging pabigat sa pamahalaan.


Lahat sila ay maituturing nating mandirigma, tunay na dugong bayani ang nananalaytay sa kanilang mga ugat na hindi basta nagagapi ng kahit anong pagsubok sa anumang pagkakataon at dapat kasama sa mga ginugunita sa Araw ng Kagitingan.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page