Pagbibigay ng ari-arian na may mga kaakibat na kondisyon
- BULGAR

- Jul 17, 2020
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 17, 2020
Dear Chief Acosta,
Ako ay nagbigay ng personal na ari-arian sa aking pamangkin, tatlong taon na ang nakalilipas. Ang pagbibigay ko ng nasabing ari-arian ay may mga kaakibat na kondisyon, na hindi niya nagampanan sapagkat bigla na lamang siyang umalis ng bansa nang walang pasabi. Dahil dito, nais ko na lamang bawiin ang aking ibinigay sa kanya at i-donate na lamang ito sa bunso niyang kapatid. Maaari ko bang gawin ito? – Tinsley
Dear Tinsley,
Para sa inyong impormasyon, ang batas na naaayon sa inyong sitwasyon ay ang New Civil Code of the Philippines, partikular ang Article 764 kung saan nakasaad na maaaring bawiin ng nagbigay ng ari-arian o donor ang kanyang donasyon kung sakaling ang mga kondisyong kaakibat nito ay hindi natupad o nagampanan ng taong pinagbigyan o ng donee. Ayon sa nasabing probisyon:
“Article 764. The donation shall be revoked at the instance of the donor, when the donee fails to comply with any of the conditions which the former imposed upon the latter.
In this case, the property donated shall be returned to the donor, the alienations made by the donee and the mortgages imposed thereon by him being void, with the limitations established, with regard to third persons, by the Mortgage Law and the Land Registration laws.
This action shall prescribe after four years from the noncompliance with the condition, may be transmitted to the heirs of the donor, and may be exercised against the donee’s heirs.”Bukod pa rito, nakasaad din sa nabanggit na probisyon na sa oras na binawi na ng donor ang bagay na kanyang ibinigay, ang mortgage o pagsanla sa nasabing ari-arian ay wala nang bisa maliban na lamang kung mayroong ibang partido na apektado nila alinsunod sa mga binanggit na batas. Ganundin, ang karapatan ng donor na bawiin ang kanyang ari-arian sa taong pinagbigyan niya nito ay magpe-prescribe pagkatapos ng apat na taon mula nang hindi magampanan ng donee ang kanyang mga ibinigay na kondisyon. Ang karapatang ito ay maaari ring gamitin ng mga tagapagmana ng donor at ang ari-ariang ibinigay ay maaari ring bawiin mula sa mga tagapagmana ng donee. Samakatwid, sapagkat tatlong taon pa lamang ang nakalipas matapos ninyong bigyan ng donasyon ang inyong pamangkin at sa dahilang hindi niya nagampanan ang mga kondisyong kaakibat nito, maaari ninyo itong bawiin sa kanya base sa nabanggit na probisyon ng batas.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalam sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.





Comments