Pagbibida sa P20 bigas, tigilan na
@Editorial | August 2, 2023
Hindi pa man natutupad ang ipinangakong P20 per kilo ng bigas, may pagtaas na sa presyo at pinangangambahan pa ang kakapusan sa suplay.
Mismong gobyerno na ang umamin na mahirap pang mabili sa ngayon sa mga palengke ang bigas sa halagang P20 kada kilo. Sa pulong balitaan sa Palasyo, nabanggit na patuloy na tumataas ang presyo ng abono. Bukod dito, tumataas din umano ang produktong petrolyo.
Sinundan pa ng pananalanta ng mga bagyo pati na ang El Niño o matinding tagtuyot na nakaaapekto sa produksyon ng palay.
Bagama’t sinabi naman ng Dept. of Agriculture na hindi imposible na maabot ang P20 kada kilo sa mga susunod na buwan. Mabibili umano sa P20 kada kilo ang bigas kung tataas ang produksyon ng palay at magtutulung-tulong ang bawat isa.
Mas mainam siguro na tigilan na muna ang kabibida sa mas murang bigas lalo na kung ang nangyayari ay kabaligtaran.
Kapag talagang gumanda na ang productivity, bumaba na ang fertilizer cost, fuel cost, lumipas na ang El Niño at mga bagyo, saka na paasahin ang taumbayan sa P20 na bigas.
Samantala, dahil nga sa pananalasa ng mga bagyo, umaasa tayo na matutupad ang kamakailan lang na pangako ng gobyerno, ang tiyak at sapat na suplay ng bigas sa bansa lalo na sa mga apektado ng kalamidad.
Sa ngayon, pagkain at tubig ang pangunahing kailangan ng mga biktima ng bagyo.
Umaasa tayo na magtutuluy-tuloy ang ayuda hanggang sa bumuti na ang panahon.
Plis lang, galaw-galaw tayong mga opisyal, tugunan natin ang pangangailangan ng mga mamamayan.



Comments