top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Pagbebenta ng mga sanggol sa socmed, nakakaalarma

Writer: BULGAR
BULGAR
May 21, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 21, 2024



Boses by Ryan Sison


Isang malupit na uri ng child exploitation at human trafficking ang ilegal na pag-aampon at pagbebenta ng mga sanggol sa social media.


Ito ang naging pahayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, na naglabas ng babala sa publiko matapos mahuli ng Philippine National Police (PNP) ang isang babae at ang kanyang agent dahil sa pagbebenta ng kanyang 8-day old na anak sa halagang P50,000 hanggang P90,000.


Sa press briefing, sinabi ni Gatchalian na hindi nila kukunsintihin ang mga ganitong gawain ng kalupitan. Gagamitin nila ang buong puwersa ng batas para dakpin at usigin ang mga mahuhuling lumabag.


Kaya panawagan aniya nila, habang agresibo nilang mino-monitor ang mga social media accounts, ang potensyal — iyong mga nag-iisip na gawin ito, may mga legal na paraan para ma-adopt ang kanilang mga anak.


Ayon kay Police Colonel Renato Mercado, hepe ng Anti-Trafficking in Persons Division ng Women and Children Protection Center, naaresto ang nasabing babae at kanyang broker sa isang entrapment operation sa Dasmariñas City noong May 15. Aniya, sa ngayon ang dalawang suspek ay nakakulong na sa kanilang custodial facility sa Camp Crame sa WCPC custodial facility at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.


Samantala, ayon kay Gatchalian ang bata ay nasa isa sa mga accredited care facility na ng DSWD.


Sinabi naman ni National Authority for Child Care (NACC) Undersecretary Janella Ejercito Estrada na mino-monitor nila ang nangyayaring illegal adoption ng mga sanggol mula pa noong nakaraang taon at nakadiskubre sila ng 20 hanggang 40 Facebook pages, kung saan nagaganap ang naturang mga transaksyon.


Pahayag ni Estrada, mayroon ding mga Facebook page na nagbebenta naman ng unborn children o hindi pa isinisilang na mga bata. 


Ayon din kay Gatchalian, mayroong mga magulang na gustong ipaampon ang kanilang mga anak at ipo-post ito na parang commodity sa Facebook, at sasabihin nila na mayroon silang ganitong klase ng bata at kung sinong gustong umampon dito para sa partikular na presyo. Mayroon ding aniya, na nagpo-post na naghahanap o may kakilalang nagbebenta na gustong magpa-adopt ng mga bata sa nais nilang halaga.


Sinabi pa ni Gatchalian na sumulat na ang NACC sa Facebook noong nakaraang taon, subalit hindi pa nakakatanggap ng kanilang tugon. Susubukan naman umano ng dalawang ahensya na makipag-ugnayan uli sa kanila.


Nakakabahala na nagreresulta ang iba sa ating mga kababayan sa ganitong klase ng ilegal na gawain na pagbebenta ng kanilang mga anak.


Dapat nating isipin na ang mga bata ay regalong buhay ng Diyos sa ating mga magulang na kailangan nating mahalin at pangalagaan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page