Pagbawi ng donasyon dahil sa kawalan ng utang na loob

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 7, 2024

Dear Chief Acosta,
Inalagaan ko ang aking ulilang pamangkin at itinuring kong parang sariling anak. Nang magpakasal siya, ibinigay ko sa kanya ang maliit na lote para mapatayuan nila ng bahay at sari-sari store. Naging maganda ang pakikitungo ko at ng aming buong pamilya sa napangasawa niya. Sa halip na suklian ito, masakit na salita, banta at bintang ang binitiwan ng kanyang asawa laban sa aking kapatid. Walang ginawa ang pamangkin ko nang malaman niya ang nangyari. Maaari ko bang bawiin ang nasabing lote sa kadahilanang wala silang utang na loob? – Medy
Dear Medy,
Ang donasyon ay isang gawa o akto ng kagandahang-loob kung saan ang nagkaloob (donor) ay nagbigay ng ari-arian o karapatan pabor sa pinagkalooban (donee), na tumanggap nito nang walang bayad. Sa ilang mga pagkakataon, ang nagkaloob ay nagiging biktima ng kasakiman at kawalan ng utang na loob ng pinagkalooban, sa halip na bigyan ng pagkilala at pagpapahalaga para sa kabutihang-loob.
Pinahihintulutan ng ating batas ang pagbawi ng donasyon dahil sa kawalan ng utang na loob ng pinagkalooban sa mga sumusunod na pagkakataon: (1) kung ang pinagkalooban ay gumawa ng krimen laban sa tao, sa karangalan o sa ari-arian ng nagkaloob, o ng kanyang asawa o mga anak, (2) kung ang pinagkalooban ay nag-akusa sa nagkaloob ng anumang krimen o anumang kilos na kinasasangkutan ng moral turpitude, kahit na ito ay mapatunayan, maliban kung ang krimen ay ginawa laban sa pinagkalooban mismo, sa kanyang asawa o mga anak, o (3) kung labis ang pagtanggi ng pinagkalooban sa pagbigay ng suporta kung ito ay obligasyon ng huli. Ito ay alinsunod sa Article 765 ng ating New Civil Code:
“Art. 765. The donation may also be revoked at the instance of the donor, by reason of ingratitude in the following cases:
(1) If the donee should commit some offense against the person, the honor or the property of the donor, or of his wife or children under his parental authority;
(2) If the donee imputes to the donor any criminal offense, or any act involving moral turpitude, even though he should prove it, unless the crime or the act has been committed against the donee himself, his wife or children under his authority;
(3) If he unduly refuses him support when the donee is legally or morally bound to give support to the donor.”
Kaugnay nito, sa kasong Cerila J. Calanasan, represented by Teodora J. Calanasan as attorney-in-fact, vs. Spouses Virgilio Dolorito and Evelyn C. Dolorito, G.R. No. 171937, 25 Nobyembre 2013, ipinahayag ng ating Korte Suprema, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Arturo D. Brion, ang sumusunod:
“Insofar as the value of the land exceeds the redemption price paid for by the donee, a donation exists, and the legal provisions on donation apply. Nevertheless, despite the applicability of the provisions on donation to the gratuitous portion, the petitioner may not dissolve the donation. She has no factual and legal basis for its revocation, as aptly established by the RTC. First, the ungrateful acts were committed not by the donee; it was her husband who committed them. Second, the ungrateful acts were perpetrated not against the donor; it was the petitioner’s sister who received the alleged ill treatments. These twin considerations place the case out of the purview of Article 765 of the New Civil Code.”
Sa sitwasyong binanggit mo, ang aksyon na maaaring ituring na kawalan ng utang na loob ay hindi ginawa ng pamangkin mo, na iyong pinagkalooban ng donasyon, kundi ng kanyang asawa. Dagdag pa rito, ang aksyon ng kanyang asawa ay hindi ginawa sa iyo, na nagkaloob ng donasyon, kundi sa iyong kapatid. Kung kaya, hindi maaaring maging batayan ang mga ito para mapawalang-saysay ang donasyong iyong binigay.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments