top of page
Search
  • BULGAR

Pagbawal sa toll fees sa mga sasakyang nagdadala ng produkto, good news

@Editorial | September 30, 2023


Ipinagbawal na ang pangongolekta ng mga lokal na pamahalaan ng “pass-through” fees sa mga sasakyang nagbibiyahe ng mga produkto sa mga national road sa buong bansa.

Ito ang nakapaloob sa inilabas na Executive Order No. 41 ng Malacañang na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Sa ilalim ng EO, sinuspinde ang paniningil ng pass-through fees upang matiyak ang episyenteng pagbiyahe ng mga produkto sa buong bansa. Sa pamamagitan nito, magiging maayos na ang galaw ng mga produkto at mababawasan din ang pasanin ng mga trader sa kanilang gastusin.

Sa ilalim ng EO, bawal na ang pangongolekta ng LGUs ng toll fees at iba pang koleksyon sa mga sasakyang nagdadala ng mga produkto na dumadaan sa mga kalsadang hindi pinondohan ng lokal na pamahalaan.


Kabilang sa sinuspinde sa mga sinisingil ng LGUs ay ang sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, toll fees, entry fees o mayor’s permit fees na kinokolekta sa lahat ng motor vehicles.

Pinaniniwalaan na ang pass-through fees ang isa sa nagpapataas sa presyo ng mga produktong ibinibenta sa mga palengke dahil ipinapasa sa mga mamimili ang gastos ng mga trader sa pagbiyahe ng kanilang mga kalakal.

Kaya ngayong bawal na ang paniningil, umaasa ang mga konsyumer na bababa na ang presyo ng mga bilihin at kahit paano ay makakabawas sa mga gastusin.

Paalala naman sa mga opisyal o empleyadong patuloy na mangongolekta ng bayarin, maaaring maharap sa administrative at disciplinary sanctions.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page