Pagbawal sa e-bike at e-trike sa national roads, bawas-trapik na, iwas-aksidente pa
@Editorial | Marso 13, 2024
Simula sa Abril 15, 2024 bawal nang dumaan sa national roads sa National Capital Region (NCR) ang light electric vehicles tulad ng e-bike at e-trike gayundin ang mga tricycle.
Kasunod ito ng pagpupulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaugnay sa pagbalangkas ng implementing rules and regulations sa pagbabawal ng e-vehicles sa rehiyon.
Una nang inaprubahan ng Metro Manila Council sa pamamagitan ng MMDA ang isang resolution na nagbabawal sa mga e-vehicle na bumagtas sa major roads sa NCR.
Ang mga pasaway na mahuhuli ay pagmumultahin ng hanggang P2,500. Kailangan na ring kumuha ng lisensya ang mga nagmamaneho ng electric powered motor vehicles.
Ang mga mahuhuli namang walang lisensya ay magreresulta ng pag-impound sa
kanilang sasakyan.
Layon ng ban sa e-vehicles sa national roads na mabawasan ang bigat ng trapiko at aksidente. Kung saan, base sa datos ng MMDA noong 2023, nasa 554 ang aksidenteng naitala na sangkot ang electric vehicles.
Kaya ngayon pa lang, kumuha na ng lisensya at tanggapin na ang kautusan na hindi na uubrang bumiyahe sa national roads ang mga e-vehicle.
Nais din linawin na hindi ito total ban. Hindi sila pinagbabawalang lumabas, kundi may mga kalsada lang na hindi talaga sila nararapat dumaan dahil delikado.
Maunawaan sana ng publiko na ito ay para rin sa kaligtasan ng lahat.



Comments