Pagbato ng bote kay Ancajas sa viral video, ipinaliwanag
ni Gerard Arce - @Sports | February 05, 2022

Ipinaliwanag ni IBF super-flyweight champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas ang hinggil sa pambabato ng bottled water sa kanya sa isang sparring session bilang paghahanda sa ika-10 defense sa Pebrero 26 kontra undefeated Argentinian Fernando Daniel Martinez.
Nag-viral ang video sa Joven Sports channel sa YouTube nang 'masaktan' ni Ancajas ang sparring partner nang tamaan sa katawan na ikinagalit ng coach nito.
Hindi intensyon ng 30-anyos mula Davao del Norte na masapol ng left hook.
Ipinaliwanag ng long-time junior bantamweight titlist na tinamaan niya ng solidong suntok ang ka-sparring na dahilan ng kanyang pagtigil, ngunit tila napwersa siyang muling magpakawala ng suntok ng makita niyang kaya pang magtuloy ng kanyang ka-sparmate. “Alam ko nasasaktan siya sa tiyan kaya dun ko binato sa taas. Hindi ko naman talaga akalain na tatama kasi pamahala yung suntok ko - tatama o hindi.
Pero nung natumba na, na-shock din ako na natamaan ko. Hindi naman natin talagang intensyon na ganun yung mangyayari,” paliwanag ni Ancajas sa isang report. “At nung binato ako ng coach niya, ang una ko talagang expression is magso-sorry ako. Eh parang minumura mura pa rin tayo kaya sabi ko huwag mong gawin 'yan.”
Humingi na ng paumanhin si Ancajas sa ka-sparmate, gayundin sa coach at ina na sa mga oras na iyon ay nasa sparring session din. “Yung nanay pa talaga ang nagsabing boxing 'to eh at nagpasalamat na lesson ito para sa anak niyang boxer,” saad ni Ancajas.
“Humihingi kami ng buong team ng pasensya sa mga nangyari at sa mga nakita ninyo sa video.”
Nakuha ni Ancajas ang titulo kontra Jonathan Javier “Titan” Rodriguez noong Abril 10 sa Connecticut, US na nagtapos sa UD pabor sa Pinoy.





Comments