Pagbati sa lahat ng bagong abogado!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 17, 2023
Nakagisnan ko na sa aking paglaki ang paggawa ng pelikula kasama ang aking ama na si Ramon Revilla Sr. hanggang sa ako ay naging kilalang action star bago pumalaot sa pulitika.
Kasabay nito ang paglagay ko sa tahimik, pagbuo ng pamilya, paghubog sa aking mga anak at pagharap sa iba’t ibang klase ng pagsubok sa buhay, na sa akala ay isa ako na sa mga may pinakamatatag na dibdib kung katatagan lang ang pag-uusapan.
Inakala ko rin na wala na akong bagong mararanasan pa dahil sa halos lahat ng emosyon, pighati at tagumpay ay akin nang nasubukan, kung hindi man sa totoong buhay ay ginampanan ko na sa napakaraming pelikula na aking ginawa.
Noong Nobyembre 9, 13, 16 at 20 noong nakaraang taon, umabot sa 9,183 law graduates ang kumuha ng digitalized at regionalized bar examination sa 14 testing center sa buong bansa at kasama ang aking anak na si Inah.
Noong una, hindi pa naman pumapasok sa kabuuan ng aking pagkatao na ang aking anak ay sumabak sa pinakamataas na pagsusulit sa bansa hanggang isang araw ay naramdaman ko na lamang na araw-araw na rin akong nananalangin at nag-aabang sa resulta ng bar exam.
Aaminin ko na sa dinami-rami ng mga inaasikaso ko araw-araw, nagsusulat, gumagawa ng batas, dumadalo sa maraming pagtitipon at rumeresponde pa sa mga kalamidad, madalas na naaantala ang aking aking antok dahil sumasagi sa akin ang resulta ng bar exam.
Alam ko kasi na ang kumpletong resulta ng 2022 bar exam ay ilalabas noong Biyernes, Abril 14 at tila hindi lang naman ako ang nakaranas nito kundi ang mismong kumuha ng bar exam, ang kani-kanilang mga magulang at iba pang mahal sa buhay.
May mga anak akong pumalaot na rin sa pulitika, maging ang aking maybahay na si Lani Mercado-Revilla ay isang Congresswoman at nakita ko ang kanilang pakikipagbakbakan sa kampanya, ngunit hindi ako nakaranas ng ganitong pakiramdam dahil masisipag sila sa kanilang ginagawa.
Hanggang noong nakaraang Biyernes, nagwa-walking ako para mas mabilis ang aking recovery mula sa nagdaan kong operasyon, pero naka-monitor ako sa anunsyo ng Supreme Court hinggil sa resulta ng bar exam.
Noong isa-isang binabanggit ang mga pangalan, tila bumibilis na ang aking paghakbang hanggang sa mabanggit nga ang pangalan ng aking anak na si Inah—wala akong ibang reaksyon maliban sa biglang sumabog ang luha ko.
Sumabog dahil hindi ordinaryong pagluha ang aking naranasan, tuluy-tuloy at kulang na lamang ay humikbi ako sa tuwa na aking nararanasan at talagang habang isinusulat ko ang artikulong ito ay hindi ko maipaliwanag ang kakaiba kong karanasan—daig pa nito noong una akong mahalal na Senador.
Proud na proud ako bilang tatay, I’m so proud of my daughter dahil alam kong hindi ganu’n kadaling pumasa para maging isang abogado, para akong sumisigaw na walang lumalabas na boses na hindi naman dahil sa sobrang tuwa.
Bigla kasing pumasok sa isip ko ang sinabi ng anak noon na, “Papa this is for you,” kaya hindi ko talaga napigilan ang maiyak nang grabe dahil sa iba’t ibang emosyon na aking nararamdaman.
We are so blessed dahil sa kabila ng mga dumating na pagsubok, hindi lang sa akin kundi sa buong pamilya ay ito naman ang dumating na biyaya at nakita ko kung paanong hindi sumuko ang aking mga anak na hindi natinag at hindi nawalan ng pag-asa at lalong pinagbuti ang pakikibaka sa buhay.
Nakalulungkot dahil sa 9,183 na kumuha ng bar exam, 3,992 lamang ang nakapasa, ngunit wala namang pagsidlan ang aking kaligayahan dahil napasama ang aking mga anak na pinalad sa napakahirap na pagsusulit na ito.
Imagine, 43.47 % lamang ang nakalusot at ngayon ay maghihintay na lamang ng anunsyo mula sa Supreme Court hinggil sa clearance procedures kabilang na ang oath taking at roll signing sa Mayo 2.
Pangarap kasi talaga ni Inah na maging abogado dahil isa ‘yan sa na-bully dati, mayroon siyang tatlong anak, pero naisabay niyang mag-aral—“For you Papa magiging abogado ako,” ito ang palagi niyang sinasabi at nagawa nga niya, mabuti at nagmana sa Nanay.
Sa tingnin ko, ang nagtulak sa kanyang para magpursige ay ang mga nagdaang pangyayari sa amin, kasi kung tutuusin ay happily married na ‘yan, pero dahil sa pagmamahal niya sa akin ay tinupad nya ang kanyang pangako.
Sa totoo lang, noong magkita kami ay ibang-iba ang higpit ng yakap na naramdaman ko kay Inah, parang noon ko lang naliwanagan ang lahat at hindi pa rin ako makapaniwala na may anak na akong abogado.
Kaya sa lahat ng pumasa, kabilang na ang aking anak, sana ay maging maayos kayong abogado at makatulong sa pag-unlad ng bansa, kayo ang kailangan ng bayan at malaki ang maitutulong n’yo.
Higit sa lahat ng ito, ibinibigay ko ang kredito, pasasalamat at pagmamahal sa aking maybahay na si Cong. Lani dahil matagumpay niyang natutukan ang pag-aaral ng aming mga anak—sa susunod na taon ay may isa pang gagradweyt na nagdu-doktor naman. Panibagong nerbiyos na naman ito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments