Pagbaha sa M. Mla., kailangan ng permanente at pangmatagalang solusyon
- BULGAR
- 7 hours ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 16, 2025

Tila taun-taon na lamang ay inaabutan tayo ng ulan sa parehong eksena — lubog ang mga lansangan, stranded ang mga commuter, at nagiging ilog ang mga lungsod.
Sa dami ng ulat at babala tungkol sa pagbaha, isa lang ang hindi nagbabago, ito ay ang kawalan ng pangmatagalang solusyon dito.
Sa pinakahuling pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), tinukoy na nila ang 49 lugar sa National Capital Region (NCR) bilang “flood-prone.” Kabilang dito ang mga pangunahing lansangan gaya ng G. Araneta Avenue, Banawe Avenue, EDSA sa Camp Aguinaldo, Maysilo Circle sa Mandaluyong, España at Taft Avenue sa Maynila, mga kalyeng palaging tinatahak ng libu-libong motorista at commuter araw-araw.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, maraming dahilan ang patuloy na pagbaha. Isa sa mga pangunahing binanggit niya ay ang mababang elevation ng ilang lugar tulad ng Banawe cor. N.S. Amoranto, na hindi kinaya ng pumping stations ang dami ng tubig at basura.
Isa rin aniya sa mga nakikitang sanhi ng pagbaha sa Taft ay ang kontrobersyal na dolomite beach project na umano’y humarang sa dating labasan ng tubig sa Faura at Remedios.
Bukod dito, naging sanhi rin umano ng trapik at pagbaha sa Commonwealth Avenue sa Quezon City ang konstruksyon ng MRT-7, kung saan nakaharang sa drainage system ang mga poste ng proyekto.
Bilang tugon, plano ng MMDA, katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH), na magpatayo ng karagdagang pumping stations at maglatag ng water impounding facility sa loob ng Camp Aguinaldo upang maagapan ang matinding pagbaha sa bahagi ng EDSA.
Sa kasalukuyan, may 71 pumping stations ang MMDA. Ngunit sa kabila nito, patuloy pa ring bumabaha sa bawat buhos ng ulan.
Sa daming binuong solusyon, ito ay nawawalan ng saysay kung kulang sa pangmatagalang urban planning at koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno. Hindi sumasapat ang pansamantalang tugon o band-aid solution kung laging nandiyan ang problema.
Marahil, panahon na para mag-isip, magsiyasat, pag-aralang mabuti, at mag-demand ng permanente at pangmatagalang solusyon sa ganitong uri suliranin para sa ikabubuti rin ng mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários