Pagbaha ng smuggled na gulay, dapat ding tutukan
ni Ryan Sison - @Boses | November 21, 2021
Matapos iulat ng Bureau of Customs (BoC) na nakasabat ito ng mga gulay mula sa ibang bansa na nagkakahalagang P160 milyon, napansin ng isang mambabatas na patuloy ang pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura, partikular ang gulay tulad ng carrots at sibuyas.
Sa mga inspeksiyon ng BoC na karamihan ay ginawa sa Cagayan De Oro, ito ay naganap sa loob lamang ng ilang buwan sa pagitan ng Agosto hanggang Nobyembre ngayong taon kung saan karaniwan umanong galing sa China ang smuggled items.
Dahil dito, sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act ang mga importer.
Gayunman, hiniling ng mambabatas na paigtingin pa ang kampanya laban sa ilegal na gawain at mas higpitan pa ang pagpasok ng produkto sa mga daungan.
Matatandaang, nagbigay-babala ang mga eksperto na posibleng may dalang panganib ang smuggled items dahil hindi ito dumaan sa standard phytosanitary inspection. At isa pa, kapag pumasok sa merkado ang mga produktong ito sa mas mababang halaga, lubhang maaapektuhan ang kita ng ating mga magsasaka.
Sa totoo lang, nakababahala dahil hindi lamang ito magdudulot ng pagkalugi sa mga magsasaka dahil hindi rin tiyak na ligtas ang mga produktong ito.
Kaya habang abala ang mga kinauukulan sa iba’t ibang isyu na kailangang kaharapin tulad ng pandemya at halalan, hiling nating matutukan din ang iba pang usapin, lalo pa’t higit na maaapektuhan dito ang ating mga magsasaka, gayundin ang kaligtasan ng mga konsumer.
Kaya pakiusap sa mga ahensiyang responsable sa isyung ito, galaw-galaw ho tayo.
Sa panahong ito na todo-kayod an gating mga magsasaka, dapat lalo natin silang matulungang mapalakas ang kanilang kabuhayan at matiyak na ligtas ang lahat ng produktong nasa merkado.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments