top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pagbaha ng imported na baboy, pahirap sa hog farmers

BULGAR
Sep 26, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 26, 2022


Pagbaha ng imported na karneng baboy ang itinuturong dahilan ng mga local hog farmers, kaya apektado ang kanilang kita.


Gayunman, umaasa ang grupo ng hog raisers na makakabawi sila sa bentahan ng karneng baboy sa huling tatlong buwan ng 2022.


Sa nakalipas na dalawang buwan, below cost umano ang ibinebentang farm market price.


Ayon sa grupo ng hog raisers na National Federation of Hog Farmers Inc. (NFHFI), sa kasalukuyan ay may 89 milyong kilo ng imported pork sa cold storage, habang patuloy sa pagdating ang iba pang suplay.


Bagama’t aminado ang grupo na mahirap tapatan ang presyo ng imported na karne dahil mas mura ito, binigyang-diin na mas mahal ang lokal na karne dahil mas sariwa ito kung ikukumpara sa imported.


Gayunman, sa kabila ng maraming suplay ng imported pork sa bansa, nananatili sa P350 kada kilo ang presyo ng baboy.


Giit pa ng grupo, bumaba ang presyo ng karne ng baboy dahil sa pagdagsa ng imported, kaya hiling ng mga ito na maibalik sa dating presyo na hindi masyadong mataas upang hindi apektado ang mga konsyumer sa wet market.


Nananawagan din ang grupo sa gobyerno na tulungang mapababa ang production cost ng hog raisers upang mabenta ang mga karne sa mas mababang halaga.


Bukod sa kawalan ng kita, pangamba ng grupo na baka huminto na lang sa hog raising ang ilan kung magpapatuloy ang pamamayagpag ng imported na karne.


Kung tutuusin, malaki ang papel ng gobyerno sa sektor agrikultura, kaya naman hangad nating mapakinggan at matugunan ang daing ng mga local farmers.


Sa mga ganitong panahon, dapat kumikita sila dahil palapit na ang Kapaskuhan, pero kabaligtaran ang nangyayari.


Marahil ay hindi mapipigilan ang pag-import, pero sana, mabigyan ng pagkakataon ang local farmers na kumita, kaya pakiusap sa gobyerno, alam nating may magagawa kayo, utang na loob, galaw-galaw ho.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page