Pagbabayad ng 13th Month Pay
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 12, 2023
Dear Chief Acosta,
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin natatanggap ang aking 13th month pay sa nakalipas na taon. Nag-aalangan akong magsampa ng reklamo laban sa aking kumpanya dahil wala akong ebidensya na magpapatunay na hindi ko pa ito natatanggap. Gusto kong malaman kung obligasyon ko bang patunayan ang hindi pagbabayad ng nasabing benepisyo bago ako magdesisyon na magsampa ng kaso? –Nandro
Dear Nandro,
Ang iyong katanungan ay tinalakay na ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong “Reggie Orbista Zonio vs. 1st Quantum Leap Security Agency, Inc. and Romulo Q. Par” (G.R. No. 224944, 05 May 2021), na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Mario V. Lopez, kung saan binigyang-linaw na ang employer ang may pasanin na patunayan ang pagbabayad ng salary differential (kakulangan sa suweldo), service incentive leave, holiday pay, at 13th month pay. Ayon sa Korte Suprema:
“In claims for payment of salary differential, service incentive leave, holiday pay, and thirteenth (13th) month pay, the burden rests on the employer to prove payment. This standard follows the basic rule that in all illegal dismissal cases the burden rests on the defendant-employer to prove payment rather than on the plaintiff-employee to prove non-payment. This likewise stems from the fact that all pertinent personnel files, payrolls, records, remittances and other similar documents – which show that the differentials, service incentive leave and other claims of worker have been paid – are not in the possession of the worker but are in the custody and control of the employer.”
Ayon sa nabanggit na kaso, sa paghahabol para sa pagbabayad ng kakulangan sa suweldo, service incentive leave, holiday pay, at 13th month pay, ang pasanin ay nakasalalay sa employer upang patunayan ang pagbabayad ng mga nasabing benepisyo, sa halip na sa empleyado upang patunayan ang hindi pagbabayad nito. Ito rin ay nagmumula sa katotohanan na ang lahat ng nauugnay na mga file, payroll, record, remittance, at iba pang katulad na mga dokumento ng empleyado, na nagpapakita na ang mga nabanggit na benepisyo ay binayaran, ay wala sa kamay ng empleyado. Bagkus, ang mga nasabing dokumento ay nasa kustodiya at kontrol ng employer.
Samakatuwid, hindi mo obligasyon na patunayan ang hindi pagbabayad ng iyong 13th month pay dahil ang iyong employer ang may pasanin na patunayan ang pagbabayad nito. Sa iyong sitwasyon, maaari kang magsampa ng kaukulang reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) kung hindi ka pa nababayaran ng dati mong employer ng 13th month pay.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments