Pagbabangon ng iba’t ibang sektor ng lipunan, prayoridad sa P4.5 trilyong nat’l budget
- BULGAR
- Nov 21, 2020
- 2 min read
ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | November 21, 2020
Bago ang lahat, tayo ay nagpapaabot ng pakikisimpatya sa ating mga kababayang sinalanta ng sunud-sunod na bagyo, partikular ng super typhoon Rolly at ng Bagyong Ulysses. Tayo ay nagpaabot ng munting tulong sa mga bayang hinagupit sa Kabikulan nitong nakaraang linggo, gayundin sa mga lalawigan ng Cagayan Valley at Isabela. Sana, huwag tayong magsasawang tumulong sa abot ng ating makakaya, upang kahit paano ay mabawasan ang paghihinagpis ng mga kababayan nating nagdanas at patuloy na dumaranas ng matitinding pagsubok sa buhay.
***
Sa Senado, tuluy-tuloy ang ginagawa nating pagdinig sa P4.5 trilyong 2021 national budget. Nakatuon ito sa pagbabangon ng iba’t ibang sektor ng lipunan, matapos tayong hagupitin ng pandemya dulot ng COVID-19 na nagpahina sa takbo ng ating ekonomiya dahil sa bagsak na estado ng kalakalan sa bansa.
Sa panibagong paglalaan natin ng pondo para sa iba’t ibang ahensiya, sinisiguro nating walang anumang kuwestiyunable tulad ng mga naipangako natin nitong mga nagdaang araw, bilang tayo ang chairman ng senate committee on finance na siyang tumatayong sponsor ng naturang national budget proposal.
At sa ngayon, dahil sunud-sunod na paghagpupit ng bagyo sa bansa, na nagdulot ng malalaking pinsala, lalo na sa mga nasentruhan ng mga ito, may panukalang kailangang maipasa natin ang Bayanihan 3 sa lalong madaling panahon. Liban sa layuning mapalawak pa ang COVID response ng gobyerno, nilalayon din ng Bayanihan 3 na tulungan ang mga kababayan natin sa typhoon-ravaged areas.
Tayo ay bukas sa ideyang ito, bagaman balakid ang takbo ng oras. Nakatakda kasing mag-break ang Senado sa kalagitnaan ng Disyembre.
Nagpahayag ng opinyon ang ilang kasamahan natin sa Senado na kung nagawa nga raw ng dalawang sangay ng Kongreso na maipasa nang agaran ang Bayanihan 1 at Bayanihan 2 para sa pandemya, bakit hindi ang Bayanihan 3 na mas nakapokus sa pagtulong naman sa mga kababayan, hindi lang sa COVID, kundi maging sa mga lubhang naapektuhan ng mga bagyo at malalaking pagbaha.
Sang-ayon tayo sa ideyang ito. Sa katunayan, nang tayo ay kapanayamin ng ilang mamamahayag tungkol dito, sinabi nating may preliminary talks na para rito. Ang iniisip lamang natin ay kung makahahabol ba before session break. Pero magiging posible naman ito kung magkakaroon ng special session para dinggin ang Bayanihan 3. Walang pag-aalinlangan na maaaring maisabatas ito sa lalong madaling panahon dahil sa kakayanan ng Mataas na Kapulungan sa lehislasyon, partikular sa mga ganitong pagkakataon.
***
Nahaharap sa magkakasalungat na desisyon sa Senado ang priority measure ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglalayong magtatag ng Department of OFWs. Dahil dito, sinabi nating kung maisasabatas ang proposisyong magtatag ng ahensiyang ito, dapat mayroon ito ng expiration date dahil rightsizing ng government agencies.
At tulad ng sinabi ni National Economic Development Authority (NEDA) chief Karl Kendrick Chua sa pagpapatuloy ng pagdinig sa P4.5 trilyong 2021 national budget sa Senado, hindi kailangang gawing permanente ang OFW department. Dapat mayroon itong exit strategy.
Base sa pahayag ng NEDA, wala sa priority list ngayon ng gobyerno ang paglikha ng naturang ahensiya dahil mas nakatuon ito ngayon sa COVID-19 response.
Isa pa, base pa rin sa pahayag ni G. Chua, kinakailangang dumaan muna sa masusing cost-benefit analysis ang panukala.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments