Pagbabalik ni Thompson, 17 pts. itinumba ang Cavs
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 11, 2022

Puno ng emosyon ang pagbabalik ni Klay Thompson sa NBA matapos ang mahigit dalawang taon at tumulong siya na itumba ng kanyang Golden State Warriors ang bisitang Cleveland Cavaliers, 96-82, kahapon sa Chase Center at pumantay sa Phoenix Suns para sa liderato ng buong liga sa 30-9 panalo-talo. Humigpit din ang karera sa Eastern Conference at lumapit ang Brooklyn Nets kasabay ng talo ng numero uno pa rin na Chicago Bulls.
Hindi nag-aksaya ng panahon si Thompson at unang tanggap niya ng bola ay sumaksak siya para tumabla sa laro makalipas ang 20 segundo, 2-2. Bilang pag-iingat at hindi mabigla, nillimitahan si Thompson ni Coach Steve Kerr sa 20 minuto lang subalit nagtapos na may 17 puntos kasama ang tatlong three-points at isang malakas na dunk.
Ginanahan ang buong Warriors lalo na si Stephen Curry na bumuhos ng 28 puntos sa pagbuo muli ng tambalan nilang “Splash Brothers” buhat pa noong Hunyo 13, 2019 na Game Six ng NBA Finals. Napilay ang tuhod ni Thompson sa nasabing laro at sinundan ng pilay sa sakong bago magsimula ang 2020-2021 NBA.
Walang Kyrie Irving, walang problema at ipinasok ni rookie Cam Thomas ang bola mula 10 talampakan at 1.7 segundo sa orasan upang itulak ang Brooklyn Nets sa bisitang San Antonio Spurs sa overtime, 121-119. Sumandal ang Dallas Mavericks sa triple double ni Luka Doncic na 22 puntos, 14 rebound at 14 assist at mahigpit na depensa upang putulin sa siyam ang sunod-sunod na panalo ng bisitang Bulls, 123-99.
Tumigil ang panalo ng Lakers sa apat at ito ang unang talo nila buhat noong naglaro ng sentro si LeBron James. Kahit bigo sa Memphis Grizzlies, 127-119 nagtala ng 7 assists kasama ng 35 puntos si James upang lampasan ang alamat na si Oscar Robertson para sa ika-pito sa pinakamaraming assist sa kasaysayan ng liga na may 9,888 kumpara sa 9,887 ni Big O mula 1960 hanggang 1974.
Sa isa pang nakakapanabik na laro, ipinasok ni Bradley Beal ang isang free throw upang masigurado ang 102-100 tagumpay ng Washington Wizards sa Orlando Magic.





Comments