Pagbabalik ng F2F Classes next month, handa na ba lahat?
ni Ryan Sison - @Boses | January 27, 2022
Tuloy ang pagpapalawak ng face-to-face classes sa bansa.
Ito ang kinumpirma ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd), kung saan nakatakda itong magpatuloy sa susunod na buwan.
Unang sinabi ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, na mas maraming grade level ang isasama sa pagpapalawig ng face-to-face classes.
Matatandaang Nobyembre 15, 2021 nang isinagawa ang pilot run ng limitadong face-to-face classes sa ilang paaralan sa bansa at nagtagal ito hanggang Disyembre 20, 2021.
Sa kabuuan, 287 pampubliko at pribadong paaralan ang lumahok, pero limitado lamang ito sa Kindergarten hanggang Grade 3 at Senior High School students.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, naging matagumpay ang pilot run at walang estudyante ang naitalang nagpositibo sa virus.
Sa totoo lang, magandang balita na maipagpapatuloy ang face-to-face classes ngayong taon, pero dapat lalo pa nating tutukan ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, gayundin ang mga non-teaching personnel.
Gayunman, mas maraming grade levels na magbabalik-eskuwela, mas maraming kabataan ang lalabas. Kaya paalala sa mga magulang, ipaunawa nating mabuti sa mga bata ang kahalagahan ng pag-iingat at pagsunod sa mga health protocols laban sa COVID-19. Kabilang na riyan ang pagsunod sa social distancing, tamang pagsusuot ng facemask at palaging paghuhugas ng mga kamay. Gayundin, ipaalala nating papayagan silang lumabas para mag-aral at hindi para maglibang o maglakwatsa.
Ang tanong sa mga magulang at guro, handa na ba tayo para sa susunod na buwan?
Tandaan, hindi porke pinapayagan ang ganitong aktibidad ay makakampante na tayo.
May banta pa rin ng COVID-19, kaya panawagan sa lahat, iwasang magpasaway dahil hindi ito makatutulong.
Pakiusap lang din sa mga kinauukulan, sana’y handa tayo sa anumang puwedeng mangyari sa oras na ipatupad ito.
Wala tayong ibang hangad kundi maipagpatuloy ang magandang simula ng face-to-face classes sa gitna ng pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments