top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pagbabakuna sa mga edad 12 hanggang 17, tiyaking walang aberya

BULGAR
Oct 1, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 1, 2021


Matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabakunahan laban sa COVID-19 ang mga kabataang edad 12 hanggang 17, sisimulan na sa Oktubre 15 ang pagbabakuna.


Paliwanag ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje, sisimulan ang pagbabakuna sa Metro Manila at palalawigin sa ibang rehiyon pagkatapos ng dalawang linggo, kung saan bibigyang-prayoridad ang mga batang may comorbidity.


Gayunman, patuloy ang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan sa pagbabakuna sa kabataan.


Sa San Juan City, nasa 3,000 magulang na ang nagrehistro ng kanilang mga anak na 12-anyos pataas para sa vaccination, habang ang Marikina LGU ay nakikipag-ugnayan sa mga paaralan sa lungsod para sa masterlist ng mga estudyanteng puwede nang mabakunahan, kung saan tinatayang nasa 100,000 nasa edad 12 hanggang 17 ang kailangang mabakunahan sa lungsod.


Samantala, Pfizer at Moderna ang mga brand ng bakunang maaaring maiturok sa mga menor-de-edad, at kakailanganin ang informed consent ng magulang at mismong batang mababakunahan.


Bagama’t magandang may plano na ang pamahalaan para sa ating kabataan, ang tanong, lahat ba ng target bakunahan ay payag nang magpabakuna?


Hindi naman natin nilalahat, pero may mga magulang na hindi pabor sa pagbabakuna sa kanilang mga anak. Marahil, napangungunahan ng takot dahil sa mga nakaraang isyu ng bakuna, kaya panawagan natin sa pamahalaan at mga eksperto, kung kinakailangan pang paliwanagan ang mga magulang, gawin na.


Siguro ang isang paraan upang makumbinsi ang mga magulang ay dapat aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang gagamiting bakuna.


Mahirap kasi ‘yung handa nga tayong magbakuna, pero wala naman palang gustong magpabakuna dahil ang ending, sayang ang suplay at resources.


Sa nalalabing mga araw bago simulan ang pagbabakuna, hangad nating maging maayos at ligtas ang lahat.


Tandaan na kailangang maging mas maingat tayo sa pagkakataong ito dahil kaligtasan ng kabataan ang ating pinag-uusapan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page