Pagbaba ng presyo ng asukal, dapat win-win sa mga magsasaka at konsyumer
- BULGAR
- Oct 15, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | October 15, 2022
Posibleng magkaroon ng pagbaba ng presyo ng asukal sa Nobyembre.
Ito ay dahil inaasahan umanong papasok sa bansa ang mga imported na asukal, bukod pa sa unti-unting pag-ani ng tubo ng sugar farmers, na malaking tulong para maparami ang produksyon ng asukal, na magiging daan naman upang maibaba ang presyo ng naturang produkto.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Kristine Evangelista, aalaming mabuti ng ahensya ang presyuhan ng lokal at imported na asukal upang makabuo ng tamang halaga ng ibebentang produkto na hindi lugi sa mga local farmers at abot-kaya ng mga konsyumer.
Gayunman, umaasa ang mga konsyumer na aabot na lamang sa P85 ang kada kilo ng asukal.
Sa kasalukuyan, pumapalo sa P102 hanggang P134 ang kilo ng asukal sa mga supermarket, habang nasa P100 hanggang P106 kada kilo sa mga palengke.
Naniniwala ang DA na sa oras na dumagsa ang suplay ng asukal sa bansa, tiyak na bababa ang halaga nito sa mga pamilihan.
Kung matutuloy ang nakaambang pagbaba ng presyo ng asukal, malaking tulong ito sa mga konsyumer. Gayunman, kailangang matiyak na magiging pantay ang dami ng local at imported na asukal. Kumbaga, dapat kumikita pa rin ang mga magsasaka sa bansa.
Matatandaang, maraming apektado sa patuloy na pagtaas ng presyo ng asukal — mula sa maliliit na negosyante hanggang sa mga konsyumer — at kasabay nito ang pagtaas ng iba pang produkto na ginagamitan nito.
Panawagan natin sa mga kinauukulan, tiyaking makatotohanan ang pagbaba ng presyo ng naturang produkto. Isa pa, sana’y mabantayan ang suplay at maiwasan ang pagbaha ng imported na produkto.
Sa pagkakataong ito, hindi puwedeng malugi ang mga lokal na magsasaka habang tinitiyak nating abot-kaya ang presyo ng asukal. Mahalaga na maging win-win ito sa mga magsasaka at konsyumer.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments