Pagba-ban sa TikTok, para sa seguridad ng bansa
ni Ryan Sison @Boses | October 31, 2023
Ayaw talagang tantanan ng China ang Pilipinas at lahat ng paraan ay gagawin para maangkin lang ang ating teritoryo.
May malakas na banta kasi na iba-ban ang sikat na video-sharing platform na TikTok sa bansa sakali mang mapatunayang ginagamit ito ng China sa kanilang pang-eespiya at cyberattacks.
Sinabi ni National Security Adviser (NSA) Secretary Eduardo Año na hindi umano siya magdadalawang-isip na irekomenda ang total ban sa TikTok kapag may sapat na silang ebidensya na ginagamit nga ng China ang naturang app sa ginagawang cyberattacks umano nito sa ‘Pinas.
Ayon kay Año, galing sa China ang mga naturang apps, kaya malaki ang posibilidad na nakukuha ng mga ito ang mga data, pati na ang mga private details ng mga nagsu-subscribe rito.
Inatasan naman na ng kalihim si Assistant Director General Jonathan Malaya na pamunuan ang task force para pabilisin ang imbestigasyon sa TikTok hinggil sa maaaring data breaches nito. Gayundin, susuriin ng National Security Council ang naturang app para tiyaking protektado ang mga kababayang gumagamit nito at ang mga government system.
Pahayag pa ni Año na hindi pa naman nila sinasabi na iba-ban na ang TikTok sa Pilipinas.
Aniya, roon muna ipinagbawal ang naturang app sa pamahalaan at mga opisina nito na involved sa security matters at kung mayroon silang makikitang ibang development saka sila magsasagawa ng adjustment.
Dapat na pag-isipang mabuti ng kinauukulan ang gagawing pagbabawal sa TikTok sa ating bansa.
May ilang bansa na rin kasi na nagawang i-ban ang China company-owned na TikTok gaya ng United States, Canada, India, Australia at marami pang iba.
Kung magiging banta naman kasi ito sa ating seguridad at mapatunayang ginagamit talaga ng China sa pang-eespiya at cyberattack laban sa ‘Pinas, mas mabuti sigurong i-ban na lamang ito.
Posibleng nakakakuha rin sila ng mga data at pagkatapos ay saka nila aatakihin.
Panawagan natin sa mga kababayan, iwasan na lang muna natin ang gumamit ng TikTok habang hindi pa nareresolba ang isyu. Isipin natin na mas makabubuti ito para sa atin at mas mapoprotektahan pa natin ang bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments