ni Ryan Sison @Boses | December 12, 2023
Habang kinokonsidera ng gobyerno ang pagbabawal sa paggamit ng TikTok sa mga official devices, inaasahan naman na makukumpleto ang isinasagawang threat assessment dito ngayong buwan.
Ayon kay National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya, ang mga rekomendasyon ng advisory body ay kanilang agad isusumite kina National Security Adviser Eduardo Año at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Aniya, banned na ang TikTok mula sa government-issued devices sa Australia, Canada at UK.
Nag-udyok ang pagbabawal sa naturang app dahil sa pangamba nila na posibleng gamitin ito ng Chinese Communist Party para umano mag-espiya o propaganda, kung saan ang paratang ay itinatanggi naman ng TikTok.
Ang TikTok ay banned sa US government devices habang ang White House naman ay kasalukuyang nagsasagawa ng isang security review upang matukoy kung ang popular na video-sharing app ay maaari pa ring mag-operate sa kanilang bansa.
Sinabi ni Malaya na nagiging maingat lamang sila hinggil sa posibleng pagbabawal ng TikTok sa mga government devices para maiwasan ang backlash mula sa publiko.
Batid kasi ng opisyal na maaaring magkaroon ng debate tungkol sa polisiya at aniya, nais lang nilang maging handa rito.
At dahil mahal ng publiko ang TikTok, ayon kay Malaya, kailangan nilang magsagawa o bumuo ng mga rason para limitahan, i-regulate ito ngayon hangga’t ang security sector ay nababahala hinggil dito. Aniya pa, nais din nila na ang kanilang posisyon ay suportado ng ebidensya, mga pag-aaral at ng malinaw na mga argumento upang maging matagumpay ang kanilang kaso sa harap ng publiko.
May katwiran ang kinauukulan na suriin munang mabuti ang pinag-iisipan nilang pagba-ban sa TikTok sa ating bansa.
Kung tutuusin, marami nang bansa ang nagbawal sa nasabing app na ipinatupad sa kanilang mga government devices dahil siguro nag-iingat lamang sila na mapasok o ma-hack ang kanilang mga confidential files at iba pa.
Mahirap nga naman na makuha ang anumang mahahalaga at sikretong impormasyon ng kanilang gobyerno na maaaring magresulta na masakop ang kanilang bansa.
Batid natin na ang naturang app ay pinamamahalaan ng China, kaya hindi mawawala na mag-isip tayo ng hindi maganda o magduda sa totoong intensyon nito.
Marahil, iwasan na lang din natin ang TikTok dahil marami namang iba pang apps na puwede nating gamitin.
Hiling lang natin na madaliin at tapusin na nila ang ginagawang assessment para mapagdesisyunan agad kung ano talaga ang nararapat.
Paalala natin sa mga kababayan, na kahit na ano pang app ang ating gamitin, tiyakin lang natin na hindi tayo nagbibigay ng mahahalagang impormasyon tungkol sa atin at pamilya para hindi mapasok ang ating mga account o mabiktima.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments