Pag-recycle ng mga campaign materials, dapat maging proyekto ng LGUs
ni Ryan Sison - @Boses | June 5, 2022
Sa halip na itambak sa landfill, muling pinakinabangan sa Lipa, Batangas ang mga plastic campaign materials.
Matapos baklasin ng isang grupo ang mga materyales, tulad ng mga poster at tarpaulin, ginawang eco-bricks ang anim hanggang walong garbage bags ng campaign materials na kanilang nalikom.
Nakipag-ugnayan umano ang grupo sa Lipa City Environment and Natural Resources Office at Batangas State University para magamit ang kanilang materials recovery facility.
Itinuro ng ahensiya ang paraan ng paggawa mula sa shredding process ng mga tarpaulin, paghahalo ng shredded tarpaulin sa semento, buhangin at tubig, hanggang sa paghuhulma ng bricks at pagbuo nito.
Sa ngayon, higit 60 eco-bricks na ang nagawa nila at gagamitin ang mga ito sa local projects ng Lipa City.
Matapos ang eleksyon, kadalasang diretso sa basurahan at landfills ang mga campaign materials. ‘Yung iba nga, nakatengga lang at nagiging banta pa sa kalikasan.
Kaya naman, nakakatuwa na may ganitong inisyatibo ang ilang grupo bilang tulong sa kalikasan at sa proyekto ng kanilang lokal na pamahalaan.
Sana’y tularan ito ng iba pa dahil bukod sa hindi matatambak ang mga materyales, mas kapaki-pakinabang pa.
Suhestiyon natin sa mga lokal na pamahalaan, gawin itong proyekto tuwing pagtapos ng hahalan.
Magandang proyekto ito bilang tulong sa kalikasan, at mas maganda kung magiging bahagi nito ang kabataan.
Batid nating mas maraming makikinabang at matuturuan ang mga mamamayan na mag-recycle bilang tulong sa kalikasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments