top of page

‘Pag naghiwalay pa raw sila, ayaw na niyang magdyowa… NADINE, UMAMING PANG-MAG-ASAWA NA ANG NANGYAYARI SA KANILA NG BF

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 13 hours ago
  • 4 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 9, 2026



Nadine Lustre  - Vice Ganda YT

Photo: Vice Ganda YT / SS



Nahanap na ni Nadine Lustre ang kanyang Prince Charming. Ito ang inamin niya sa vlog ni Vice Ganda nu’ng nasa Hong Kong Disneyland sila para sa shooting ng Call Me Mother (CMM).


Napag-usapan nilang dalawa na pareho silang fan ng Disney characters kaya tinanong ni Meme Vice kung nahanap na ba ni Nadine ang prince charming niya tulad nina Cinderella at Sleeping Beauty.


“Feeling ko naman, sana, sana,” nakangiting sagot ni Nadine.


“So, ganu’n ka ka-in love ngayon sa boyfriend mo?” tanong ni Vice.

“Oo. Saka sabi ko sa kanya, ‘pag nag-break pa tayo, ‘di na ako magdyodyowa,” tumatawang sabi ng aktres.


“Ay, talaga?” nakangiting tanong ni Meme Vice.


“Kasi parang… ewan ko. Kasi kung ‘di pa s’ya ‘yun, feeling ko sobrang okay na s’ya para sa akin. ‘Di man s’ya perfect, pero para sa akin, sobrang okay na s’ya. Perfect na s’ya for me,” esplika ni Nadine kung bakit siya nagdesisyon nang ganu’n.


Say ni Vice, “Nag-decide ka na sa kanya. Kasi ganu’n daw ‘yun, may makikilala kang tao na in love ka, tapos ‘pag naramdaman mong sobrang love mo, nag-decide ka na, at ito na ‘yun ba?”


Panay ang tango ni Nadine sa sinasabi ni Vice. 


“At saka for some reason, alam mo lang na ito na ‘yun. ‘Yun ang na-feel ko sa kanya. Kaya nga sabi ko sa kanya, ‘‘Pag nag-break pa tayo, ‘di na ako magdyodyowa kasi ayaw ko na.’

Kasi for me, parang ang hirap makahanap ng tulad n’ya.”


Kahit na ang current boyfriend ni Nadine ang gusto niyang makatuluyan, inamin niyang hindi raw siya ang marrying type nang tanungin ni Vice.


“Hindi,” sabay iling niya. 


“Pero gusto ko naman ng celebration. Not necessarily wedding, pero gusto ko ng celebration with family. Not necessarily ‘yung malaking celebration sa church. Hindi Disney wedding. Gusto ko lang by the lake, with close friends, tapos party-party na kayo. Ganu’n lang, simple. Hindi naman ako nag-dream ng malaking wedding,” paliwanag ng co-star ni Vice sa CMM.


Sabi ng TV host-actor, sa edad ni Nadine na 31 ay sapat na para makapagdesisyon, pero hindi nito namalayang umabot na sa ganoong edad ang dalaga dahil bagets pa sila nang magkasama noong 2015 sa pelikulang Beauty and the Bestie (BATB) kasama si Coco Martin, sa direksiyon ng yumaong Wenn V. Deramas, na produced ng ABS-CBN Films at Viva Films at distributed ng Star Cinema.


Natatawang sabi rin ni Nadine, “Kaya nga nakakatuwa kapag nakaka-receive ako ng comments sa IG ko na kunwari, naka-bikini ako, ‘Ano ba ‘yan, bakit naggaganyan s’ya. Ang bata-bata pa n’ya!’ Sa loob ko, ‘Treinta na ako, ‘teh.’”


Noon daw, kapag umabot na sa 30 ang edad ng tao ay itinuturing na itong matanda, pero sa panahon ngayon ay hindi na raw.


Say ni Nadine, “Actually, in my teen years, sabi ko, ‘Sh*t, ‘pag nag-twenty ako, ikakasal na ako, baka magkaroon na ako ng family.’ Tapos nu’ng nag-twenty ako, parang no! Tapos nu’ng nag-25 na ako, sabi ko, baka ‘pag nag-30 na ako. Then, hindi pa rin pala.”

“You don’t feel old yet?” tanong ni Vice.


“Not at all. Nag-e-enjoy lang kasi ako,” kaswal na sagot ng dalaga.

Ready na bang maging wife si Nadine?


“Parang ibang responsibility ‘yan, siguro. Kung mangyayari, eh, di go,” sagot ng aktres na hindi pa rin handang magpakasal o magkaroon ng celebration soon.


Hindi diretsong inamin ni Nadine na magkasama na sila sa iisang bubong ng kanyang current boyfriend, pero aminado siyang kung anuman ang nangyayari sa kanila ngayon ay parang mag-asawa na rin.


“I think kami kasi, we’re both focused on working on ourselves. Meaning, naggo-grow pa kami separately and we’re growing together kasi may mga businesses kami together at ang dami pa naming gustong marating,” esplika ni Nadine.


Walang pressure at hindi nakatali sa isa’t isa ang gusto niyang relasyon. Puwede silang gumala nang hindi magkasama.


“Walang worry na lalabas ako, lalabas s’ya na baka may ano — ibang kasama,” saad nito.

“Praning ka bang girlfriend?” diretsong tanong ni Vice.


“Before. Ngayon, parang sobrang iba. Napi-feel ko lang na secured ako sa kanya. Feeling ko, both. Depende rin talaga sa situation.


“I would say may times na napa-paranoid ako, but not because of the relationship but for other things. I think ‘yung pagka-paranoid ko, nandu’n pa rin naman,” sagot ni Nadine, sabay singit ni Vice na baka dahil sa hormones.


Ang biggest learning ni Nadine sa pakikipagrelasyon, “Unahin mong mahalin ang sarili mo kahit gaano mo kamahal ang partner mo. Nagtotodo ako ng love, pero makikita mo naman kung ‘yung partner mo, nagre-reciprocate, at dapat balance pa rin.”


Say naman ni Vice, kahit may red flag na ay kailangang intindihin at hindi ganoon kabilis umalis lalo’t sobrang mahal mo ang partner mo.


Sabi naman ni Nadine, hinahanapan niyang i-justify kung bakit ganu’n ang partner niya, pero, “Kapag naubos ka na, parang basong tubig na walang nagre-refill, ikaw naman ang magsa-suffer.”


Ito ang halimbawa ng dalaga mula sa kanyang past relationship kumpara ngayon na balanse ang lahat sa kanila ng current boyfriend. 


Diin niya, “We fill each other’s glasses.”


Isa pang rebelasyon ni Nadine, never siyang nag-beg for love o nagsabing ‘please stay’ sa karelasyon para manatili ito.


“Depende. Kung itong dyowa ko ngayon, in some way, ganu’n ang mangyari sa amin, oo, ipaglalaban ko. Kasi worth naman na magpakumbaba ka. Meron kasing mga taong hindi worth it,” diretsong sabi ni Nadine.


Samantala, sa estado ngayon ni Nadine, hindi pa raw niya kayang maging isang ina.

“Hindi pa. Actually, ayaw ko talagang mag-anak. Pero kung mangyayari at ibibigay sa akin, tatanggapin ko naman.


“Takot kasi ako. Magre-raise ka ng tao—responsible ka dapat. Hindi lang s’ya laruan, hindi lang cute na parang may kamukha ako. It’s such a huge responsibility. Takot ako ‘pag nagkamali ako.


“Pag-isipan talaga kasi sobrang hirap ng buhay ngayon. I think isa pang reason is ‘di pa ako tapos i-discover ang sarili ko. Tapos mag-aanak ako, tapos lahat ng attention at oras ko, mapupunta sa bata. I feel like in some way, baka sobrang maka-affect din s’ya sa akin. Ganu’n kalaki ang responsibilidad na nakakatakot para sa akin,” mahabang paliwanag ni Nadine Lustre.


Kung matapos na raw niya ang lahat ng gusto niyang gawin sa buhay at maramdaman niyang handa na siyang magkaroon ng anak, ay okay naman daw, hindi niya tuluyang isinasara ang posibilidad.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page