'Pag nag-sorry, lumuhod sa Poong Nazareno.. Kaso kay Pura Luka, iaatras
- BULGAR

- Oct 7, 2023
- 1 min read
ni Mai Ancheta @News | October 7, 2023

Handang iurong ng Hijos del Nazareno ang kaso laban kay Drag Queen Pura Luka Vega o Amadeus Fernando Pagente kung haharap ito sa Poong Nazareno at hihingi ng tawad sa ginawang paglapastangan.
Ito ang inihayag ni Alex Irasga, adviser ng grupo matapos arestuhin ng mga operatiba ng Manila Police District ang drag queen nitong Miyerkules sa Sta. Cruz, Manila.
Sinabi ni Irasga na kailangan lamang kilalanin ni Pura Luka Vega ang kanyang pagkakamali at paglapastangan sa Poong Nazareno at pagkatapos nito ay iuurong ang kaso laban sa kanya.
Handa aniya nitong samahan si Vega sa simbahan ng Quiapo at samahang lumuhod sa Poong Nazareno kung sakaling magbago ang isip nito.
"'Pag natapos niyang magpiyansa, gusto niyang matapos ang problema niya sa Maynila, kontakin niya ako, sasamahan ko siya sa simbahan ng Quiapo, sa aming mga pari at sasamahan ko siyang lumuhod sa harap ng Señor. At kami ho ay tapos na. After nu'n, pupunta kami sa city hall para bawiin 'yung aming kaso," ani Irasga.
Kailangan aniyang makita ng publiko na nagsisi at humingi ng tawad ang drag queen sa ginawang paglapastangan sa Poong Nazareno.
"Kailangang magsimula ang pagpapatawad sa pagkilala na may pagkakamali siyang ginawa at 'yun ay 'yung napakataas na antas ng paglapastangan sa ating Panginoon," dagdag ni Irasga.
Si Pura Luka ay kinasuhan ng grupo dahil sa drag performance nito kung saan ginaya ang Poong Nazareno habang sumasayaw sa remix version ng dasal na "Ama Namin".




Comments