top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

‘Pag may ‘bad’ side effect… Kompensasyon sa mga mababakuhan, dapat lang!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 31, 2021
2 min read

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | January 31, 2021



Ngayong hinihintay natin ang pambansang roll-out ng COVID-19 vaccines ay naghain naman tayo ng panukalang-batas upang maprotektahan ang mga indibidwal na magkakaroon ng adverse side effects matapos mabakunahan.


Layon ng Senate Bill number 2015, o ang Vaccine Indemnification Fund Act, na magkaroon ng pondo upang mabigyan ng kompensasyon ang indibidwal sa pinsalang maaaring maidulot ng side effects ng bakuna.


Isa ito sa mga nakita natin matapos ang pagdinig ng Senado nitong mga nakaraang linggo tungkol sa national vaccination program, na target na mabakunahan ang 70 milyong Filipino upang magkaroon ng “herd immunity” laban sa COVID-19.


☻☻☻


Sa ilalim ng sistema, poprotekhan at bibigyan ng kompensasyon ang mga kababayan natin, lalo na iyong mga nasa marginalized at vulnerable sectors ng lipunan, mula sa mga hindi inaasahang epekto ng bakuna.


Matatanggal din ang agam-agam ng mga supplier at manufacturer ng bakuna laban sa posibleng legal action. Magbibigay din ito ng mas patas, mas efficient, at stable na approach para sa injured party. Magiging alternatibong paraan ito kumpara sa mahaba at magastos na paglilitis sa korte.


☻☻☻


Ang indemnity fund ay isa-subsidize ng mga pharmaceutical company na magsu-supply ng bakuna. At least isang porsiyento (1%) ng contract price ang dapat na ilaan sa pondong ito ng kumpanya at ilalagak ito sa Bureau of Treasury ng DBM.


Kukunin muna sa kasalukuyan at susunod na budget ng DOH ang inisyal na pondo para sa implementasyon ng programa. Ang mga susunod na gastusin naman para sa patuloy na implementasyon nito ay kukunin na sa Vaccine Indemnification Fund. At kung sakaling kukulangin ito, isa-subsidize ito ng DOH.


Ang pondong ito ay pangangasiwaan ng Vaccines Compensation Board na may pitong miyembro at pangungunahan ng Secretary ng Department of Justice. Magkakaroon din ng oversight function ang Kongreso upang magkaroon ng monitoring at ebalwasyon.


☻☻☻


Makatutulong ang vaccine-related injury indemnification system na itaas ang kumpiyansa ng mga tao sa immunization program ng pamahalaan at magkaroon ng sustainable na suplay ng bakuna.


Matatandaan na bumaba ang kumpiyansa ng ating mga kababayan sa bakuna dahil na rin sa mga isyu tungkol sa pagbabakuna nitong mga nakaraang taon, lalo na sa isyu ng Dengvaxia.


Hindi na bago ang ganitong programa, dahil sa nakalipas na 50 taon ay nilatag ito sa iba’t ibang bansa upang masigurong ang mga indibidwal na maaaring magkaroon ng adverse effect ay maaalagaan at mabibigyan ng kompensasyon.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page