top of page
Search

Pag-isyu ng Voter’s ID, ‘wag sanang umabot ng taon

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 10, 2024


Pinaplano na ng pamahalaan na muling ibalik ang voter’s identification (ID) cards ngayong taon. 


Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia, sinimulan na nila ang pagtalakay sa posibilidad na pagbabalik ng pag-isyu ng mga card dahilan sa mabagal na pamamahagi ng mga national ID.


Pinag-uusapan na rin ng komisyon aniya, ang mga detalye at kinakailangang pondo tungkol dito. 


Sinabi rin ni Garcia na target nilang maibalik ang voter’s ID card bago matapos ang taon habang uunahin nilang mabigyan ang mga overseas Filipino. 


Aniya, umaasa silang makapagbigay ng initial batch sa mga Pinoy abroad, at magkaroon ng pinakamahusay na feature, habang makabuo ng 32 security features at may pinakamababang cost nito.


Magugunitang, December 2017 ay sinuspinde ng Comelec ang pag-iisyu ng voter’s ID dahil na rin sa pagsisimula ng gobyerno ng rollout ng national ID sa ilalim ng Philippine Identification System (PhilID). 


Nilinaw naman ng opisyal na ang mga rehistradong botante ay maaari pa ring bumoto kahit na walang voter’s IDs at ang mga card na inisyu ng Comelec ay maituturing na valid ID.


Mainam ang balak ng kinauukulan na ibalik ang pag-iisyu ng mga voter’s ID card, habang halos kaunti pa lang ang nakakatanggap ng national ID sa mga mamamayan.


Kadalasan kasi na kapag humihingi ng valid ID ang mga bangko, establisimyento at iba pa, mas gusto nilang ipakita natin ay itong voter’s ID ng Comelec.


Gayundin, nagagamit ito bilang government ID ng mga overseas Filipino sa kanilang iba’t ibang transaksyon.


Hiling lang sana natin na agad na maisagawa at makapag-isyu ng voter’s ID at hindi umabot ng ilang taon bago maipamahagi sa taumbayan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page