Pag-iingat vs. COVID-19, dapat makatao pa rin
- BULGAR
- Nov 12, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 12, 2021
Habang patuloy sa pagbaba ang bilang ng bagong COVID-19 cases araw-araw, tuloy din sa pagpapatupad ng kani-kanyang pag-iingat ang mga alkalde sa kani-kanilang nasasakupan upang mapanatili ang kaligtasan ng kanilang mga residente.
Kabilang ang pagpapaigting ng vaccination program at pagtiyak na nasusunod ang mga health protocols.
Kaugnay nito, sa Batangas City, maaaring maipasara ang mga negosyo at establisimyento kapag nahuli ng lokal na pamahalaan na tumatanggap o nagpapapasok ang mga ito ng mga customer na hindi pa bakunado laban sa COVID-19.
Ito umano ang paraan ng Batangas City LGU para mapilitan ang mga residenteng magpabakuna laban sa sakit.
Base sa Executive Order No. 44 na pinirmahan ni Mayor Beverly Dimacuha at epektibo mula pa Nobyembre 2, kailangan ding fully vaccinated ang lahat ng empleyado sa bawat kumpanya, ganundin mga nag-a-apply pa lamang.
Naikot na umano ang monitoring team ang lahat ng establisimyento para ipaalam ang naturang kautusan at tiniyak na bukas sila sa pagpupulong kung sakaling mayroon pang karagdagang tanong tungkol dito.
Bagama’t nauunawaan nating nais lamang mag-ingat ng lokal na pamahalaan, ang tanong, dapat ba talaga itong ipatupad?
Sa totoo lang, maraming tutol dito dahil anila, labag na sa karapatang-pantao at isa pa, baka malugi lang ang mga negosyo. Kumbaga, walang makikinabang sa kautusang ito.
Kung pagbabawalan ang mga hindi bakunado na makapasok sa mga negosyo o establisimyento, para na rin nating sinabi na mandatory ang pagpapabakuna, bagay na wala sa batas dahil matatandaang ito ay voluntary o hindi sapilitan.
Kung nais nating mabakunahan ang marami nating kababayan, tiyak na maraming paraan para magawa ito nang hindi nakakalimutan ang pagiging makatao.
Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, isip-isip muna dahil baka nalilihis na tayo.
Tandaan, ang layunin ng national vaccination program ay maproteksiyunan ang taumbayan laban sa malalang epekto ng COVID-19.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments