top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

‘Pag gawang Pinoy na paputok, bawal pero ‘pag made in China, welcome? Buwisit!

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 22, 2020
2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 22, 2020



IMBESTIGAHAN ANG PAGKATAO NI P/SGT. NUEZCA, BAKA “HITMAN” ITO?—Nakatalaga si P/Sgt. Nuezca sa Parañaque City police, sa Crime Labolatory Division, ibig sabihin, hindi siya operatiba na nanghuhuli ng mga kriminal at lumalansag sa mga sindikato, pero sa nag-viral na video sa social media, kitang-kita na sanay siyang pumatay ng tao.


Sa isyung ito, dapat panghimasukan ng Commission on Human Rights (CHR) at National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-iimbestiga sa pagkatao ni P/Sgt. Nuezca kasi baka suma-sideline ito bilang hitman o hired killer, boom!


◘◘◘


SA KAUNTING PAGKAMALI, PINATAY NG PARAK ANG MAG-INA SA TARLAC—Matatandaang, nagpaalala ni P-Duterte sa mga pulis na, “Do your duty. Do in accordance with law. Be alert and be wise. Alam mo, kaunting pagkamali lang barilin mo na.”



Siguro, late na nakinig si P/Sgt. Jonel Nuezca ng Paraañaque City police at hindi na napakinggan ang “Do your duty. Do in accordance with law. Be alert and be wise,” at ang narinig na lang ay ang “kaunting pagkamali lang barilin mo na”, kaya sa kaunting pagkamali, pinagbabaril hanggang sa mapatay ng pulis ang mag-inang kapitbahay niya sa Paniqui, Tarlac, tsk-tsk-tsk!


◘◘◘


BALAT-SIBUYAS NA SI CELINE PIALAGO, DAPAT MAG-RESIGN SA GOBYERNO—Umuusok sa galit si MMDA (Metro Manila Development Authority) spokesperson Celine Pialago kay ABS-CBN reporter Doris Bergonia, na sasampahan daw niya ito ng kaso dahil kulang ang ibinalita nito tungkol sa isang u-turn sa EDSA, Quezon City.


Ganu’n lang kasimple, na ang dapat sanang ginawa ni Pialago bilang spokesperson ng MMDA ay kinausap si Doris at iba pang taga-news department ng ABS-CBN at ibinigay ang side ng MMDA tungkol sa isyung ito, pero ang ginawa niya ay nagbantang magdedemanda at nag-post pa sa social media ng mga masasakit na salita laban sa reporter.


Dapat mag-resign na si Pialago kasi ang mga balat-sibuyas na tulad niya, hindi dapat nanunungkulan sa gobyerno, period!


◘◘◘


BAWAL DAW ANG PAPUTOK, PERO SMUGGLED CHINESE PAPUTOK NI “MR. CHENG”, NAIPUPUSLIT SA CUSTOMS—Ipinagbawal ni P-Duterte ang paputok ngayong panahon ng Kapaskuhan at paparating na Bagong Taon, pero ang mga smuggled Chinese paputok ni “Mr. Cheng” ay tuloy pa rin daw ang pasok sa Bureau of Customs.


Ganu’n? Kapag paputok na gawang Pinoy bawal, pero ang paputok na gawang China ay welcome? Buwisit!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page