Pag-claim ng driver’s license card, puwede nang online
- BULGAR
- Aug 29, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 29, 2024

Upang mapadali ang pamamahagi ng mga driver’s license card ay naglunsad na ang Land Transportation Office National Capital Region (LTO-NCR) ng isang online system.
Sa pahayag ng LTO-NCR, ang bagong feature, na accessible sa kanilang official website, ay nagbibigay ng mas mabilis at maginhawang solusyon para sa mga kliyente na i-track ang kanilang card status at makapagsumite ng mga print request para sa backlog Driver’s License Cards.
Ayon kay LTO-NCR Regional Director Roque “Rox” I. Verzosa III, ang online service ay eksklusibong magagamit ng mga kliyenteng nag-renew o nag-apply para sa kanilang driver’s license sa mga tanggapan ng LTO-NCR. Ang naturang system ay nagbibigay-daan sa mga user na mag-request at mag-claim ng kanilang mga Driver’s License Card sa partikular na opisina ng LTO kung saan naganap ang transaksyon. Tinitiyak din nito ang tinatawag na streamlined process habang pinapabuti ang pangkalahatang kahusayan sa card distribution.
Sinabi naman ni Verzosa na may opsyon ang mga kliyenteng mag-request at mag-claim ng mga card mula sa mga Driver’s License Renewal Offices (DLROs) at licensing centers gaya ng Ali Mall, Cubao, Eastwood, Robinsons Place Manila, sa Quezon City Licensing Center, Caloocan Licensing Extension Office, Pateros Extension Office, at La Loma District Office.
Aniya pa, iaanunsiyo rin nila sa susunod na mga araw ang iba pang opisina ng LTO-NCR na malapit nang maisama sa online system.
Mainam ang ginawang ito ng LTO na magbukas ng isang online system sa mga piling opisina ng ahensya, hindi lang para mapabilis ang distribusyon ng mga driver’s license card, kundi matutugunan ang iba pang mga request ng mga driver.
Sa ganyang sistema ay hindi na magtatambak ang mga backlog sa lisensya habang agarang masosolusyonan ang anumang problema ng kagawaran.
Panahon na rin siguro para sa naturang ahensya na magkaroon ng ganitong online portal dahil tunay na isang makabuluhang hakbang ito tungo sa modernisasyon ng kanilang mga serbisyo na patuloy na makapagbibigay ng kasiyahan at kapakinabangan sa mga kababayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments