top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Pag-ban sa Filipino dubbing ng pelikulang Ingles

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 24, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 24, 2024


Upang mas lumalim at humusay pa ang kaalaman natin sa Ingles, iminungkahi ng isang mambabatas na ipagbawal ang Filipino dubbing ng mga English language motion pictures o pelikula at mga programa sa telebisyon na ipinamamahagi o ipinapalabas sa ating bansa.


Ito ang House Bill 9939, na inihain ni Negros Occidental Representative Jose Francisco “Kiko” Benitez na aniya, dapat paghusayin ng Pilipinas ang ating learning delivery para magawa nating makamit ang English bilang second language o pangalawang wika.


Gayundin aniya, ang mass media ay maaaring maging platform para rito.


Sinabi ni Benitez na ang kasanayan sa Ingles ay madalas na tukuyin bilang key factor o pangunahing salik sa paglago ng industriya ng business process outsourcing, kung saan nakamit ng Pilipinas ang titulong “call center capital of the world”.


Paliwanag pa niya, kailangan nating tulungan ang mga nakababatang henerasyon na ma-acquire ang English sa iba’t ibang settings, at sa pamamagitan ng iba’t ibang media, upang magawa nilang makipag-usap o communicate nang mas mahusay at ma-explore ang mga bagong horizons, pagdating sa employment at social interaction.


Bilang kapalit ng Filipino dubbing, audiovisual production, broadcasting, film distribution at streaming services, ay dapat magkaroon ng Filipino subtitles sa English-language motion pictures at television programs, sa kondisyon, na ang mga English-language closed caption ay dapat ilatag bilang isang opsyon para sa English-language audio content, alinsunod sa Republic Act No. 10905.


Mainam ang panukalang batas na inihain ng ating mambabatas. Makakatulong ito lalo na sa mga estudyante na mas maging bihasa sa pagsasalita at siyempre pati sa pagbigkas o pronounciation. 


Dagdag kaalaman din ito sa kanila para maunawaan ang mga mahahabang linya sa Ingles, hanggang sa masasanay na silang manood ng mga English movie nang hindi nahihirapang intindihin. 


Hindi lamang sila ang matututo rito kundi pati na rin tayo na kung minsan ay sinasabi nating hirap na makaintindi ng Ingles.


Mayroon din namang alternative sakaling hindi maunawaan ang pinapanood natin dahil sa nilagyan ito ng mga Filipino subtitles, kaya magiging masaya pa rin ang panonood natin ng mga programa at pelikulang Ingles.


Hiling lang natin na sana ay patuloy na gumawa ng magagandang programa ang gobyerno para sa kapakinabangan ng taumbayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page