Pag-ban ng junk food at soft drinks sa iskul, oks pero kaya bang ipatupad?
ni Ryan Sison - @Boses | September 7, 2022
Bilang tugon sa lumalalang problema ng child obesity at malnutrisyon sa bansa, nais ng isang senador na ipagbawal ang mga junk food at inuming puno ng asukal sa mga eskwelahan.
Sa isinusulong ni Senator Lito Lapid na Senate Bill 1231 o Healthy Food and Beverage in Public Schools Act, layon nitong i-ban ang pagbebenta, distribusyon at promosyon ng mga naturang pagkain at inumin sa mga pampublikong paaralan, gayundin sa mga tindahang 100 metro mula sa mga ito. Sakop din ng batas ang elementarya at high school.
Binigyang-diin ng senador na maraming pag-aaral ang nagsasabi na ang mga estudyante na hindi nakakakuha ng sapat na nutrisyon ay nahihirapang magpokus at matuto.
Ngunit kung matitiyak umano na may sapat na access ang mga mag-aaral sa mga pagkain na may mataas na nutritional value, masisigurado na maayos ang kanilang kalusugan, gayundin ang performance ng mga ito sa paaralan.
Matatandaang 2007 pa lamang nang ipinag-utos ng Department of Education (DepEd) ang pagbabawal sa pagbebenta ng carbonated drinks, sugar-based synthetic o artificially flavored juices, junk food atbp. Ngunit sa kabila nito, maraming canteen pa rin sa public schools ang nagbebenta ng mga soft drinks.
Sa totoo lang, maganda ang layunin ng batas, pero bago ang lahat, sana’y magkaroon ng malinaw na panuntunan upang maayos itong maipatupad. At sa oras na maaprubahan at ipatupad, tiyakin nating tatalima ang lahat ng paaralan.
Batid natin na lahat naman ng magulang ay gustong mabigyan ng masusustansyang pagkain ang kanilang mga anak, pero pahirapan lang dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin.
Kung talagang gusto nating masigurado na masusustansyang pagkain ang naibibigay sa mga mag-aaral habang nasa iskul, tiyaking abot-kaya ang mga ipapalit na pagkain sa mga canteen at tindahan.
Marahil, ‘yan ang magiging hamon sa oras na maisabatas ito at hangad nating mapaghahandaan ‘yan ng mga kinauukulan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments