Pag-alala sa angking husay at ambag nina Fu Yabing at Sen. Vic Tunay
- BULGAR

- Feb 4, 2021
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | February 4, 2021
Noong nakaraang linggo, January 26, pumanaw ang isa sa mga pinarangalan ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan (GAMABA) na si Yabing Masalon Dulo. Siya ay 106-anyos.
Itinanghal na National Living Treasure si Fu Yabing hindi lamang dahil sa kanyang husay sa Mabal Tabih ng mga B’laan, kundi pati na rin sa pagpupursigi niyang ipasa ang kaalaman niya sa nakababatang henerasyon. Ang Mabal Tabih ay isang anyo ng ikat weaving na gumagamit ng abaca.
Ayon sa National Commission for Culture and the Arts, iginagawad ang GAMABA sa mga tradisyunal na manlilikha na may angking husay sa kanilang sining; patuloy na nakapaglilikha ng mataas na kalidad ng sining sa mahabang panahon; lumilikha ng anyo ng tradisyunal na sining na dokumentado nang hindi bababa sa 50 taon; ginagalang ng mga miyembro ng kanyang komunidad; at itinuturo o pumapayag na ituro ang kaalaman sa ibang miyembro ang sining na ikinatanyag ng komunidad nito.
Dahil sa pagsisikap ni Fu Yabing, mananatiling buhay ang sining ng B’laan Mabal Tabih.
☻☻☻
Noong January 31, pumanaw na rin ang dating senador Victor Ziga sa edad na 75.
Kabilang si Sen. Ziga sa unang pangkat ng mga senador nang maibalik ang Senado pagkatapos ng 1986 EDSA People Power Revolution. Nakilala siya bilang bahagi ng “Magnificent 12” na bumoto laban sa extension ng Philippine-US bases treaty na tumapos sa 80 taon na pamamalagi ng US bases sa bansa.
Malaki rin ang naging papel niya sa pagpasa ng mahalagang mga batas ng bansa tulad ng Republic Act 6728 o ang GATSPE law na nagbibigay-tulong ng pamahalaan sa mga estudyante at guro sa mga private school; Republic Act 6957 o ang “Build-Operate-Transfer Law;” Republic Act 7395 o “Magna Carta of Public Health Workers;” atbp.
☻☻☻
Nais nating ipaabot ang taos-pusong pakikiramay sa pamilya nina Fu Yabing at Sen. Vic
Tunay silang Lingkod-Bayan, at naniniwala tayong patuloy na aalingawngaw ang mga nagawa nila para sa bayan at pupukaw sa susunod na henerasyon na magsilbi sa abot ng kanilang makakaya, at higit pa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments