ni GA @Sports | January 3, 2024
Kinumpirma ni 8th division world champion Manny “Pacman” Pacquiao ang posibleng ikalawang bakbakan kay dating undefeated at retired Future Hall of Famer Floyd “Money” Mayweather Jr. ngayong taon para sa pinaka-aasam na Pac-May 2 rematch kasunod ng anunsiyo nito sa RIZIN 45 fight New Year’s event.
Itinuturing na pinakamalaking boxing event ang salpukan nina Pacquiao at Mayweather na tumabo ng husto sa kita na tinaguriang “The Fight of the Century” at “Battle for Greatness” noong Mayo 2, 2015 na nagresulta sa 12-round unanimous decision panalo sa American boxer upang mapanatili ang WBA (unified), WBC, The Ring welterweight title at maagaw ang WBO belt na ginanap sa sold-out MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Lumikom ito ng limpak-limpak na kita na umabot umano sa mahigit sa $400 million at PPV viewership na 4.6 million na pagbili upang tanghaling pinaka-pinanood na sporting event sa kasaysayan ng telebisyon at pay-per-view.
Sa kabila ng nakuhang tagumpay ng naturang bakbakan ay hindi na muling naulit ang kanilang rematch, kung saan nagtamo ng injury ang 45-anyos na Filipino boxing legend sa kanyang balikat upang hindi makalaban ng akma sa kanilang plano. Gayunpaman, maaaring maisakatuparan ang ikalawang paghaharap sa mungkahi ni Pacman na muli silang magharap.
Nauna ng inihayag ni Pacquiao sa isang boxing event sa Riyadh, Saudi Arabia na nakikipag-negosasyon ang kanilang kampo na maitulak ang laban sa Tokyo, Japan para umano sa isang exhibition match. “Thank you so much for inviting me here again. I’m sorry for the last time I promise that we’re going to fight this year, but [as they explain], but next year I hope to see you here in Japan with a big fight against Floyd Mayweather, I thought you wouldn't want me to say that. I am excited for that. Thank you for always supporting RIZIN promotions,” pahayag ni Pacquiao.
Comments