Pacio at Brooks fight sa ONE 158, ipinagpaliban
ni GA - @Sports | May 28, 2022

Tila mukhang muling maghihintay sina ONE strawweight champion Joshua “The Passion” Pacio at Jarred “The Monkey God” Brooks sa kanilang world title match matapos ipagpaliban ang kanilang laban sa ONE 158 sa susunod na linggo.
Hindi muna masasaksihan ang bakbakan ng dalawa matapos magdesisyon ang ONE Championship na tanggalin ang main event bout dahil sa “schedule conflict” sa darating na laban sa Singapore Indoor Stadium sa Singapore.
Itinulak na lamang sa ibang petsa ang naturang sapakan at buntalan, kung saan init-na-init na sa isa’t isa kasunod ng maiinit na palitan ng maanghang na salita.
Hangad ni Pacio na mapanatili ang kanyang four fight winning streak na huling beses sumabak noong Setyembre 24, 2021 sa trilogy fight laban kay Yosuke Saruta ng Japan sa ONE: Revolution.
Determinado naman ang 29-anyos na dating UFC fighter na maagaw ang kampeonato kay Pacio kasunod ng three-fight winning streak mula kina Team Lakay fighter Lito Adiwang, Hiroba Minowa at dating No.1 contender Bokang Masunyane ng South Africa sa ONE 156.
Samantala, tanging si Jenelyn Olsim na lang ang sasabak na solong Filipino kalaban si Julie Mezabarba. Umaasa si Olsim na aangat sa women’s Atomweight category upang makalaban si women’s champion Angela ‘Unstoppable” Lee.
Ilan sa mga dadaanan ni Olsim upang makalaban sa titulo ay sina Stamp Fairtex, Ham Seo Hee, Alyona Rassohyna, Jihin Radzuan at kababayang si Denice Zamboanga.





Comments