Pacers tinalo ang Magic, nang ibangko uli si Sotto
- BULGAR
- Jul 12, 2023
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | July 12, 2023

Muling nagngitngit sa inis ang Filipino fans at mga tagasunod nito matapos muling ibangko si Kai Zachary Sotto sa ikalawang pagkakataon ng Orlando Magic na ibinaon ng husto ng Indiana Pacers sa bisa ng 85-108 nitong Martes ng umaga (oras sa Pilipinas) sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas, Nevada.
Nakalista sa lineup ang 7-foot-3 Pinoy center, subalit inilagay ito sa DNP (Did Not Play-Coach’s Decision) sa ikalawang sunod na laro matapos itong ibabad sa upuan ng Orlando sa pambungad na laro kontra Detroit Pistons nitong Linggo ng umaga.
Hindi napigilan ng mga tagahanga ni Sotto na isigaw ang kanilang sentimiyento at damdamin ng isigaw nila ang “We want Sotto” chant ng muling hindi paglaruin ni coach Dylan Murphy, kung saan isa sa 10 manlalaro ang hindi naispatang palaruin ng Orlando na ipinasok lang ang 11 manlalaro.
Dahil sa kakulangan ng tangkad ng Orlando ay nagawang maneubrahin ni Pacers guard Andrew Nembhard ang laro ng kumamada ito ng 21 puntos, pitong assists, tatlong rebouhnds at tatlong steals, habang nagsumite ng double-double si Isaiah Jackson ng 13 markers at 11 boards.
Umaasa ang maraming tagasubaybay ni Sotto na makakakuha ito ng sapat na minuto upang makapaglaro at mailabas ang husay at kaalaman laban sa New York Knicks sa Huwebes.
Kasalukuyang naglalaro ang mga may dugong Pinoy na sina Fil-Am at Gilas Pilipinas leading guard Jordan Clarkson sa Utah Jazz, Jalen Green ng Houston Rockets at Raymond Townsend sa GSWs at Indiana Pacers nung Dekada ‘80.
Hinihintay din ang serbisyo nito sa Gilas Pilipinas para sa 2023 World Cup kasama si Clarkson at iba pang mga manlalaro sa professional at amateur league sa bansa, habang nakapirma ito ng kontrata sa Hiroshima Dragonflies sa Japan B-League.








Comments