Pabayang magulang ng mga batang naputukan, dapat kasuhan
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 4, 2024
SANA MADAGDAGAN PA ANG MGA SENADOR AT KONGRESISTA NA KUKUWESTIYON SA P731B ‘UNPROGRAMMED FUND’ NG MARCOS ADMIN -- Hindi lang si Senate Minority Leader, Sen. Koko Pimentel ang kumukuwestiyon sa P731 billion “unprogrammed fund” ng Marcos administration, kundi pati si Albay Rep. Edcel Lagman, na nagsabi na dapat daw ay vineto o ni-reject ito ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM).
Sana madagdagan pa ang mga senador at kongresistang kukuwestiyon sa P731 billion “unprogrammed fund” ng Marcos administration kasi hindi talaga katanggap-tanggap na nagsingit ng ganito kalaking halaga sa 2024 national budget ang gobyerno nang hindi malalaman ng taxpayers kung saan ito gagastahin ng Marcos admin, period!
◘◘◘
SINUWERTE NGA ANG TAGUIG CITY, PERO MINALAS NAMAN ANG MGA RESIDENTE NG 10 BARANGAY NA NAALIS SA MAKATI CITY DAHIL WALA NA SILANG HEALTH BENEFITS -- Last year ay pumabor sa Taguig City ang pinal na desisyon ng Supreme Court (SC) na ang 10 barangay na nasa Makati City ay inilipat na ang pamamahala sa Taguig City.
Ika nga, sinuwerte ang Taguig City sa naging desisyon ng SC, ang masaklap lang sa isyung ito ay minalas naman ang mga residente sa 10 barangay na ito, kasi inanunsyo na ng local government ng Makati City na ang mga hawak nilang yellow card ay wala nang bisa, na ibig sabihin ay dahil hindi na sila residente ng Makati City at hindi na sila sakop ng mga health benefits tulad ng libreng confinement sa mga ospital sa Makati, at wala na rin silang matatanggap na libreng gamot na ipinagkakaloob ng Makati City LGU, tsk!
◘◘◘
DAPAT IPA-TOKHANG NA NI SPD GEN. PESPES ANG MGA MANGRARAKET NA GAMBLING LORDS SA KANYANG NASASAKUPAN -- Nitong nakalipas na panahon ng Kapaskuhan ay nag-operate ng kanilang mga illegal gambling na STL-con jueteng, lotteng, bookies at EZ-2 ang mga mangraraket na sina alyas "Haruta," "Joy," "Deck," "Ricky," "PJ," "Allan," "Toto" at "Josie" sa Muntinlupa City, Pasay City, Taguig City, Parañaque City, Makati City at Las Piñas City, at base sa nakalap nating impormasyon, kahit tapos na ang Pasko at Bagong Taon na ay tuloy pa rin ang mga ganitong raket nila sa mga lungsod na ito.
Dapat ipa-"tokhang" agad ni Southern Police District (SPD) Director Gen. Mark Pespes ang mga ilegalistang ito para matigil na ang pangraraket ng mga gambling lords na ito sa kanyang nasasakupan, period!
◘◘◘
DAPAT MAY BATAS NA MAGPAPARUSA SA MGA PABAYANG MAGULANG NA MAY ANAK NA NADISGRASYA NG PAPUTOK SA PANAHON NG NEW YEAR’S CELEBRATION -- Dapat may senador o kongresista na magsulong ng batas na magpapataw ng parusa sa mga magulang na may mga paslit na anak na nadisgrasya sa mga paputok sa panahon ng New Year celebration.
Sa tala kasi ng Dept. of Health (DOH) ay mga batang paslit ang karamihan sa nadisgrasya sa mga paputok, at ‘yan ay dahil sa kapabayaan ng mga magulang ng mga biktima ng paputok.
Kapag may ganyang batas, tiyak na sa mga darating na New Year’s celebration ay babantayan na ng mga magulang ang mga anak nilang paslit para hindi sila madisgrasya at makaiwas na rin sa kasong pagpapabaya ang mga magulang ng mga bata, period!





Comments