‘Pabasa’, gawing dahan-dahan at nauunawaan
ni Ryan Sison @Boses | Marso 27, 2024
Naging panata na ng marami sa atin na kapag sasapit ang Semana Santa, nagsasagawa sila ng “Pabasa” sa kani-kanilang mga lugar.
Subalit, kung minsan ay nagiging problema ito sa mga barangay dahil sa sobrang lakas at talagang nakakabulahaw sa mga kapitbahay.
Kaya naman ang Quezon City Task Force on Transport and Traffic Management Division, sa pangunguna ng hepe nilang si Dexter Cardenas, ay round-the-clock na sa pagbabantay sa mga lugar lalo na roon sa mga nagsasagawa ng “Pabasa” na mga residente ng QC, kung saan isa sa pangunahing tawag o reklamo sa kanilang tanggapan ang masyadong malakas ng volume nito.
Ayon kay Cardenas, katuwang nila ang QC Police sa pagpapaalala sa mga QCitizen hinggil sa malakas na pagsasagawa ng “Pabasa” ngayong Semana Santa.
Sinabi ng opisyal na ang iba sa kanila ay nagpapabasa na ang lalakas pa ng mga speaker, kaya pinupuntahan nila ito, kasama ang QC Police at pinakikiusapan na kung puwede ay hinaan ang volume ng “Pabasa”.
Paliwanag ni Cardenas, kahit sino ay maaaring magsagawa ng “Pabasa” basta iwasan na lamang itodo ang mga volume ng microphone at huwag nang gumamit ng malalakas na sound system o amplifiers na makakaapekto sa kapwa residente at mga kapitbahay, partikular na sa mga may trabaho.
Kaugnay nito, nag-deploy na rin ng mga tauhan ng QCTTMD para magbantay sa mga terminal at i-monitor ang kaayusan ng trapik na malapit sa mga simbahan, gayundin para sa mga magdarasal na mga deboto.
Hindi naman masama na isagawa ang mga panata at nakagisna natin tuwing Mahal na Araw, kabilang na rito ang pagkakaroon ng “Pabasa”.
Pero kadalasan sa halip na pagdarasal at inuusal ito ng katamtaman at dahan-dahan na naiintindihan ng lahat ay nar’yang halos sumigaw na at napakalakas na naririnig ito na tila nagbi-videoke na.
Kailangan lang sigurong mas maging sensitibo tayo sa iba na puwedeng makaapekto sa kanila ang ating mga gagawin at posibleng pagmulan din ito ng alitan na hahantong sa kaguluhan.
Gayundin, lagi nating respetuhin ang bawat isa, at isipin nating may kani-kanya tayong pinaniniwalaang relihiyon kaya marapat na maayos ang ating mga magiging kilos.
Mas mabuti ring maging seryoso at tahimik nating pagnilay-nilay na lamang ang sakripisyong ginawa ni Kristo para sa atin at alalahanin ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa buong mundo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments