Pabahay at kabuhayan sa mga nasa lansangan
- BULGAR
- Dec 11, 2023
- 1 min read
@Editorial | December 11, 2023
Kamakailan nang ilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang “Pag-Abot sa Pasko” o ang mga special operation para sa mga pamilya at indibidwal na nasa lansangan.
Ito ay bilang bahagi pa rin umano ng programang “Oplan Pag-Abot”.
Sa nasabing operasyon, nagtatag ng isang mega processing center sa EDSA at White Plains Avenue sa Quezon City. Ang processing center ay magiging responsable para sa sabay-sabay na paglulunsad ng mga aktibidad sa pag-abot program sa Pasig, Mandaluyong, San Juan at Quezon City.
Mayroong 13 team na naglilibot sa Metro Manila para abutin ang mga pamilya at indibidwal na naninirahan sa lansangan, kabilang ang mga paslit.
Kaugnay nito, ang mga naaabot na indibidwal at pamilya ay dadaan sa inisyal na pagsusuri na kinabibilangan ng pagpaparehistro para sa PhilSys at biometrics. Pagkatapos nito, sila ay ililipat sa DSWD-run residential care facilities and centers, kung saan sila ay tatanggap ng case management, pansamantalang pabahay, at iba pang mahahalagang suporta.
Masasabing maganda ang programa at talagang makakatulong lalo na sa mga kababayan natin na walang ibang mapuntahan kundi ang lansangan. Gayunman, umaasa tayo sa pangmatagalang solusyon hindi lang para ngayong Pasko.
Kung mabibigyan lang sana sila ng maayos na bahay at kabuhayan, mas mainam para hindi na sila nagbubuwis-buhay sa lansangan.
Para naman sa mga pasaway na pakalat-kalat at gumagawa pa ng ilegal, mas swak kayo sa kulungan.
Panawagan sa mga kinauukulan, mas pagsikapan pa natin ang pagbibigay ng maayos na pamumuhay sa mga kababayan nating lubog na talaga sa kahirapan at wala ng matirhan o mapagkakitaan.



Comments