@Editorial | Pebrero 27, 2024
May interes pa ba ang mga kabataan sa agrikultura?
Kung nawawala na, kailangan nang gumawa ng paraan ang gobyerno para ito’y maibalik at mas mapalakas pa.
Kaugnay nito, hinimok ng isang mambabatas ang sektor ng edukasyon na ibalik ang pagtutok sa mga paaralang pang-agrikultura upang maisama ang mga kabataan sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura, pangisdaan, at aquaculture.
Dapat umanong bigyang-diin ang kahalagahan ng muling pagtutok sa agricultural high schools sa Pilipinas. At kung maibabalik ang pagtuon sa agricultural high schools, pagsapit ng kolehiyo ng mga estudyante, magkakaroon na sila ng higit na interes sa agrikultura.
Kailangan ding maging katuwang ang mga institusyong pangkaalaman sa public-private partnerships na magta-transform sa triple helix model of innovation o university-industry-government interactions. Kapag tuluyang nahikayat ang mga kabataan sa agrikultura, pangIsdaan at aquaculture, tiyak na wala nang magugutom.
Hindi lang masisiguro ang supply ng pagkain, mas may pagkakataon pa ang 'Pinas na makipagsabayan sa ibang bansa pagdating sa kalakalan.
Sana'y maipaunawa natin sa mga kabataan na sa kabila ng napakabilis na usad ng teknolohiya, huwag balewalain ang ugat at pangunahing pinagkukunan ng ating mga pangangailangan. Sa halip, isabay ito sa pag-unlad.
Comments