top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Paano ang magiging hatian sa mana sa pagitan ng half-blood at full blood na magkakapatid?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 12, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 12, 2020



Dear Chief Acosta,


Namatay ang aking tiyahin na kapatid ng nanay ko nang walang asawa, anak o mga nabubuhay pang magulang. Ang tangi lamang naiwan niya ay ang kanyang mga kapatid. Gayunman, hindi lahat ng kapatid niya ay mula sa kaparehong nanay. Namatay kasi ang lola ko at nakapangasawang muli si lolo. Dahil dito, ang aking nanay lamang ang maituturing na full blood sister ng aking yumaong tiyahin, habang ang iba kong mga tiyuhin at tiyahin ay masasabi nating half-blood na kapatid.


Malaking tulong sa namumuong sigalot ng pamilya namin kung maliliwanagan kami sa tamang hatian ng magkakapatid sa mga naiwang ari- arian ng tiyahin ko. Sa palagay ko kasi bilang full blood na kapatid, ang nanay ko ay dapat magkaroon ng mas malaki man lang na mana kumpara sa mga half-blood na kapatid nito. Bagama’t ganito ang aking pananaw, taliwas at pantay-pantay naman na hatian ang iginigiit ng iba pa niyang mga kapatid. – Christine


Dear Christine,


Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa Republic Act (R.A.) No. 386, o mas kilala sa tawag na Civil Code of the Philippines. Bilang panimula, nararapat muna nating isaad kung ano ang legal na depinisyon ng isang half-blood at full blood na relasyon. Kaugnay nito, ang Article 967 ng R.A. No. 386 ay malinaw na isinasaad ang sumusunod:


“Art. 967. Full blood relationship is that existing between persons who have the same father and the same mother.
Half-blood relationship is that existing between persons who have the same father, but not the same mother, or the same mother, but not the same father.”
 Matapos nating ilahad ang depinisyon ng half-blood at full blood na relasyon, atin namang sagutin ang tanong tungkol sa hatian sa mana ng mga magkakapatid na may half-blood at full blood na relasyon: 
“Art. 1006. Should brother and sisters of the full blood survive together with brothers and sisters of the half blood, the former shall be entitled to a share double that of the latter.” (Ibid)

Samakatwid, base sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang inyong ina, bilang isang full blood na kapatid ng inyong yumaong tiyahin ay may bahaging katumbas ng doble ng matatanggap na bahagi ng half-blood na kapatid. Dahil dito, hindi wasto ang pahayag ng inyong mga tiyahin at tiyuhin na dapat ay pantay-pantay lamang ang kanilang hatian sapagkat ito ay walang basehan sa ating batas.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page