top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Paalam Sen. Pong Biazon, magiting na sundalo, masipag na senador at tapat na kaibigan

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 21, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 21, 2023


Noong nakaraang Lunes, Hunyo 12 ay pumanaw na si Gen. Rodolfo ‘Pong’ Biazon, kaibigan, pulitiko, Philippine Marine Corps general, dati rin siyang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines noong 1991 at nagsilbing senador mula 1992 hanggang 1995 at muli noong 1998 hanggang 2010.


Nakakapanghinayang dahil pumanaw ang isa sa pinagpipitagang lingkod-bayan sa bansa na kung babalikan natin ang nakaraan ay masasabi nating hindi biro ang kanyang sinimulan para maabot niya ang napakalayo niyang narating lalo sa serbisyo-publiko.


Sa edad na 11 ay sinikap ni Sen. Biazon na makapasok ng grade 1, sa gitna ng pagtatrabaho ay umabot sa kolehiyo sa FEATI University kung saan siya kumuha ng mechanical engineering, matapos pumasa sa examinations sa West Point at US Naval Academy ay mas pinili nitong pumasok sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1957.


Dito nagsimula ang kanyang buhay sundalo, naging Superintendent siya ng PMA noong 1986-87, Commandant ng Philippine Marines noong 1987-89, Commanding General ng NCR Defense Command noong 1988-90, Armed Forces of the Philippines (AFP) Vice Chief of Staff noong 1990-91 at AFP Chief of Staff noong 1991.


Naging isang ganap na siyang senador noong Ninth Congress mula 1992 hanggang 1995, isa sa hindi makakalimutang batas na kanyang isinulong ay ang pagbibigay ng low cost housing at iba pang benepisyo sa mga sundalo.


Ngayon biglang-bigla ay mababalitaan nating pumanaw na ang isa sa pinakamagiting na sundalo, masipag na senador at isang tapat na kaibigan ay talagang nakaranas ako nang panlulumo sa aking kinatatayuan.


Bilang isa siyang legendary public servant ay napakahirap pagtagni-tagniin na sa araw pa mismo ng kalayaan sa ating bansa ay nagkataon pa ang paglisan ng isa sa pinakanirerespetong sundalo at pulitiko sa ating panahon.


Bigla ko tuloy naalala kung paano kami unang nagtagpo ni Sen. Biazon, palagi itong sumasagi sa aking isipan na napakapalad ko dahil pinagtiyap ang aming landas at napakarami ng aking naging karanasan at natutunan.


Hindi po lingid sa kaalaman ng marami na noong taong 2004 pa lamang ay nakasalamuha, nakatrabaho at nakasama ko na si Senator Biazon sa kampanya at ramdam sa kanya ang taus-pusong pagmamahal sa taumbayan.


Malaking karangalan para sa akin na sa panahong nagsisikhay si Sen. Biazon upang maging isang ganap na senador ay kasama niya tayo kaya nasaksihan ko hindi lamang ang kanyang husay at galing kundi ang kanyang puso.


Sa buong pagsasama namin sa kampanya ay hindi lamang mga botante ang nakumbinsi niya sa kanyang mga adhikain dahil ako mismo ay naramdaman ko ang kanyang sensiridad na makapaglingkod at kakaiba niyang pagmamahal sa taumbayan.


Magka-partner kami sa buong 90 araw ng kampanya sa ilalim ng Koalisyon, Katapatan at Karanasan sa Kinabukasan (K4) na karamihan ay sa pamumuno ng Lakas-CMD.


Ang isa pa sa kahanga-hanga kay Sen. Biazon ay ipinakita niyang sigla at lakas ng pangangatawan na mula sa umpisa ng kampanya sa umaga ay hindi nagbabago ang hanggang gabi kahit pa umulan o umaraw ay hindi mo siya kakikitaan ng pagod.


Halos 70-anyos na siya noon at halos wala pa akong kuwarenta ng mga panahong iyon, pero grabe ang kanyang tibay na ipinakita sa amin dahil hindi lang sa nakakasabay siya sa lakaran kung hindi siya pa ang nangunguna.


Hindi mo naman masasabing ang ipinakikitang niyang lakas ay dahil sa training niya sa military kung hindi dahil sa katapatan niya sa kanyang ginagawa at ang pagnanasa niyang makapaglingkod sa bayan.


Matapos ko siyang makasama ay doon ko nakumpirma ang mga ikinukwento sa akin ng aking ama na si dating Sen. Ramon Revilla Sr. dahil mas unang nakasama ni Manong Pong ang aking ama.


Ito pong si Manong Pong, kung gaano katikas ay ganu’n din naman ang kanyang pagpapakumbaba. Grabe ang kanyang pagka-humble pero hindi mo ito maipagkakamali sa kanyang pagiging maginoo dahil isa siya sa pinakamatatag na lalaking nakilala ko dahil kitang-kita ang kanyang pagiging Marine through and through.


Minsan nang umalingawngaw ang tinig ni Manong Pong bilang senador sa bulwagan ng Senado kung saan lahat ay nakikinig sa tuwing siya ay magsasalita at hinding-hindi na makakalimutan ng lahat ng mga nakapakinig ang kanyang tinig.


Sa pagpihit sa mga pahina ng kasaysayan, hindi na kailanman mabubura pa ang kanyang mga pamana. Sumasaludo tayo sa natatanging marka na iniwan niya sa atin at ang aking taus-pusong pakikiramay sa naiwang pamilya, kaibigan at mga mahal sa buhay ni Senator Rodolfo Gaspar Biazon.


Saludo po ang buong sambayanan sa inyo at maraming salamat!

Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page