Paalam itataya ang silver para sa gold medal match

by Gerard Arce @Sports News | September 30, 2026

Photo: Ang laban ni Carlo Paalam sa Kazakh at nakatiyak siya ng silver medal. (pocmedia)
Dumidikit na ang Pilipinas para tuldukan ang 16-taong pagkagutom sa gintong medalya sa Asian Games matapos mailusot ni 2020+1 Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam ang 3-2 split decision panalo kontra kay dating World champion Makhmud Sabyrkhan ng Kazakhstan ngayong Miyerkules sa men’s under-55kgs division sa 20th Aichi-Nagoya 2026 boxing sa Nishio Gymnasium sa Japan.
Huling beses nakatikim ng korona sa boksing ang bansa mula kay Rey Saludar sa 52kgs category sa 2010 Guangzhou Asiad – makalipas ang tatlong edisyon – susubukan ni Paalam na masundan ang kampeonato at maibigay ang unang ginto sa Asiad meet matapos ang tansong medalya sa 2018 Jakarta-Palembang sa flyweight.
Nasilip ng tatlong hurado na sina Jovana Ugrenovic ng Serbia, Blazo Jabucanin ng Montenegro at Manuel Vilarino ang pagpabor kay Paalam, habang mula umpisa ay nakita ni Athmen Lazizi ng Algeria ang pagpabor sa Kazakhstani, gayundin si Soulimi Moushine ng Morocco.
Tanging si Paalam ang nalalabing boksingero matapos malaglag sina two-time Olympic medalist Nesthy Petecio, 2024 Paris Olympics bronze medalist Aira Villegas, Riza Pasuit, Norlan Petecio, at Junmilardo Ogayre, habang nabigong makasunod si two-time Olympian Eumir Felix Marcial dahil sa katatapos na pro-fight nitong Setyembre sa Estados Unidos.
"Lalabas 'to siya, gawin ko yung laro ko... unahan lang kami paano mag counter," eksplika ni Paalam patungkol sa diskrate ni Sabyrkhan, na ipinakita sa mga hurado at referee ang kanyang matibay na dugong Pinoy, higit na sa huling round, matapos makalamang ang Kazakhstani sa second round.
"Pinapakita ko sa referee na Pinoy tayo, dugo natin 'to, kahit magkamatayan tayo... ibibigay talaga sa last round."
Matinding pukpukan at palitan ng mga birada ang nasilayan sa dalawang kampo higit na sa first round na kinakitaan muli ng pambihirang counter punching ng two-time Southeast Asian Games champion na sinabayan naman ng mga pasundot-sundot na suntok upang maagang maka-ungos sa first round mula sa apat na hurado.
Mas naging agresibo ang 2023 at 2025 World Championship gold medalist at 2024 Asian Championship champ na Kazakhstani sa second round na patuloy sa paghabol sa Pinoy boxer.
Subalit nanatiling matulis ang mga binibitawang counter punching at mga pasulpot-sulpot na jabs, habang nakatama naman ng isang solidong kanan sa second round si Paalam, na ikinabagsak ni Sabyrkhan.
Gayunman, pumabor ang tatlong hurado kay Sabyrkhan sa naturang round, na sinabayan naman ng isang puntos na kaltas kay Paalam.
Nanatiling maingat sa kanyang mga galaw at diskarte ang 28-anyos mula Talakag, Bukidnon sa third round na patuloy na sinusugod ni Sabyrkhan, na sa bandang huli ay nailusot ang ikatlong sunod na panalo mula kina split decision panalo kay Commonwealth Games silver medalist Jaudamani Mandengbam ng India sa round of 16 at isa pang 3-2 split decision kontra Jiamao Zhang ng China.





Comments