top of page
Search
  • BULGAR

Paalam at salamat FVR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 3, 2022


Hindi pa tayo lubusang nakauusad sa kalungkutan bunga ng pagpanaw ni Pangulong Fidel V. Ramos na mas kilala sa tawag na FVR, sa edad na 94.


Medyo may kabigatan ang pangyayaring ito dahil malaki ang ginampanang papel sa buhay ko ni FVR kung bakit ako napadpad sa pulitika na mula sa pagiging bise-gobernador ng Cavite ay nahubog ang aking karanasan hanggang sa maging isang ganap na Senador.


Hindi alam ng marami nating kababayan na itong si FVR ang nagkumbinse sa akin para pumalaot sa serbisyo-publiko nang imbitahan ako nitong sumali sa Lakas-NUCD na ngayon ay Lakas-CMD na.


Halos tatlong dekada na mula noon hanggang ngayon ay nananatili ang aking katapatan sa Lakas na sa kasalukuyan ay ang inyong lingkod ang Co-Chair at patuloy na niyayakap ang paniniwala ng minahal kong partido na si FVR ang tumayong Chairman Emeritus.


Isa sa pinakamadilim na bahagi ng aking buhay ay nang sampahan tayo ng ibentong kaso at nanatili ako sa Camp Crame ng halos limang taon bago ako napawalang-sala at malinis ang aking pangalan ng Sandiganbayan at dito ko nasubok ang katatagan ng Lakas.


Hindi nila ako iniwan at si FVR ay nanatiling nakasuporta sa aking tabi, palagi niya akong pinadadalhan ng mga librong hindi lamang para matanggal ang aking inip kung hindi nais niyang madagdagan pa ang aking kaalaman hinggil sa pagiging lingkod-bayan.


Palagi niya akong pinapayuhan, binibigyan ng pag-asa at katatagan na isa rin sa nagpatibay sa akin para makayanan ko ang napakahabang pagsubok na aking pinagdaraanan hanggang sa mapatunayang wala akong kasalanan.


Hinding-hindi ko talaga makakalimutan ang taong una kong naging mentor o tagapagturo nang pasukin ko ang pulitika, samantalang nasa kasagsagan ako noon ng paggawa ng pelikula dahil 28-anyos lamang ako noon.


Palagi ko ngang sinasabi noon bago pa ako pumasok sa pulitika – isang suntok; isang gulong; isang halik; ayos na, masarap na yung halik, malaki pa ang kita. Eh, sa pulitika, gagawa ka na ng tama, gagawin ka pang kontrabida.


Pero tumatak sa akin ang matinding tagubilin ni FVR nang sabihin niya sa akin na, “Bong, utang natin sa mga tao na tumatangkilik, nagtitiwala, at sumusuporta sa atin kung sino tayo, hindi lahat nabibigyan ng pagkakataong makapaglingkod, kaya ngayong may pagkakataon ay dapat na huwag palampasin. Mahal ka ng Cavite, ipakita natin ang pagmamahal natin sa kanila”.


Naalala ko pa na kasama ko si dating NBI Director Epimaco Velasco na naging dating Gobernador at dati ring DILG Secretary noong una kong makaharap si FVR at mula noon ay nagtuluy-tuloy na hanggang sa mahalal na nga akong Bise-Gobernador ng Cavite noong 1995.


Hanggang ngayon ay nananatiling inspirasyon at tinitingala kong ehemplo si FVR, siya ang pamantayan ng isang tunay at katangi-tanging Pilipino dahil sa kanyang pagiging makabayan, may malayong pananaw, mahabagin at handang ialay ang sarili para sa iba.

Ang pagmamahal ni FVR sa Cavite na itinuring niyang ikalawang tahanan ang lalo pang nagpatibay sa amin dahil naging constituent namin si FVR at First Lady Ming sa Tagaytay at nagkasama kami sa maraming proyekto para sa ikabubuti ng Pilipinas at para sa bawat Pilipino.


Kabilang d'yan ‘yung itinatayong Cavite LRT Line 1 extension na naaprubahan ng NEDA noong 2000 na unang nabuo noong Pangulo pa si FVR at ang inyong lingkod ay Gobernador ng Cavite, at patuloy pa rin nating sinisikap na conversion ng Sangley Point na maging International Port.


Ito namang tinatawag na PPP o Conditional Cash Transfer ay una naming nabuo at ipinatupad sa Cavite noong 1997, kung saan nagbibigay tayo ng tulong-puhunan sa mga maliliit na nais magnegosyo, na kalauna'y ipinapasa ang kanilang nahiram sa mga susunod na nais ding magnegosyo.


Si FVR ang Centennial President at ako naman ang Centennial Governor ng Cavite, kaya’t nang sinalubong natin ang Sentenaryo ng ating bansa ay naging malaking karangalan na mapili niya akong gumanap na Hen. Emilio Aguinaldo sa programa sa Quirino Grandstand.


Naupo bilang pangulo si FVR na sinasalubong ng matinding problema sa nagdaang lindol sa Luzon, bagyo, ang pagputok ng Mt. Pinatubo, gulf crisis, walang humpay na brownouts at marami pang problema ngunit hindi natinag ang husay at katatagan ni FVR.


Tulad ng tunay na sundalo at lider ng bansa ay ipinakita ni FVR ang kakaibang sipag na dulot ng kanyang pagiging perfectionist ay naging matagumpay ang kanyang Philippines 2000 na nagpaangat ng labis sa bansa.


Hindi sapat ang espasyong itinalaga para sa artikulo kong ito, ngunit ang panunungkulan ni FVR ay palaging maaalala dahil mula sa pagiging “sick man of Asia” ang bansa ay naging “Asia’s Rising Tiger” na nakipagsabayan sa ating mga karatig-bansa.

Kaya ang pagpanaw ni FVR ay napakalaking kawalan hindi lang sa akin na personal niyang hinubog, kung hindi sa buong Lakas-CMD, sa buong bansa at sa lahat ng mga Pilipino.


Alam n’yo ba na ang FVR ay may panahon sa Cavite na tinaguriang Fidel-Velasco-Revilla dahil ang pagsasama-samang ito ang nagpabago sa takbo ng pulitika sa Cavite.


Posibleng ang mga susunod na henerasyon ay makalimutan si FVR ngunit mamumutawi sa mga alaala ang kanyang mga nagawa, ang kanyang mga pamana at ang katapatan niya sa bansa.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.co

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page