Paalam 2020, taon na mapag-hamon, taon na mapagpala!

Updated: Jan 9, 2021
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | January 2, 2021
Ayon kay Albert Einstein, “Sa gitna ng bawa’t krisis ay dakilang pagkakataon.” (In the midst of every crisis, is great opportunity.) Ganito ang 2020, punumpuno ng krisis, subalit umaapaw din ng biyaya at pagpapala. Dahil dito, nais nating tingnan ang natatagong biyaya o pagpapala sa bawat mabigat at mapanganib na hamon. Tingnan natin ang mapanganib na hamon at katambal nitong biyaya o pagpapala.
Ika-12 ng Enero: Sumabog ang Bulkang Taal kung saan nabulabog ang malaking bahagi ng Batangas. Hamon: Palaging maging handa sa pagsabog ng bulkan sa mga lugar na malapit sa buhay o aktibong bulkan. Pagpapala: Masusing pag-aaral at pag-uunawa sa sanhi at dalas (may kasaysayan ang pagsabog ng bawat bulkan). Magsimula nang maging handa para sa ganitong mapanganib na pangyayari. Ang Japan ay madalas na makaranas ng pagsabog ng bulkan; lindol at tsunami na bunga nito. Ang bawat lugar na malapit sa ganitong panganib ay merong lubos na kahandaan at kakayahang tumugon. Dapat lang na gawin natin ito sa ating bansa.
Ika-15 ng Marso: Unang nagkaroon ng lockdown sa Kamaynilaan. Hindi pa nararanasan ng malaking bahagi ng populasyon ang ganitong paghihigpit. Binuo ang IATF laban sa COVID-19. Hamon: Paano tutulungan ang nakararami na makaiwas sa impeksiyon. Biyaya: Dahil sa sunud-sunod na pagbabawal na lumabas at ipagpatuloy ang normal na buhay, kinailangang matutong manatili ang bawat mamamayan sa loob ng bahay. Dahil dito, kinailangan ng pamahalaan na tulungan ang lahat na mabuhay sa ilalim ng mabigat na banta ng impeksiyon. Subalit, tumulong din ang marami, tulad ng big business at simbahan upang ipaabot ang tulong, ayuda sa nakararami.
Ika-15 ng Hulyo: Sa aming parokya ng San Isidro Labrador, nagsunud-sunod ang EJK. Nagsimula ito noong ika-30 ng Enero at sinundan ito ng mga EJK noong Mayo 27; Hunyo 3; Hulyo 15; Hulyo 20; Hultyo 30; Agosto 1; Agosto 2; Agosto 11; Agosto 20; Setyembre 4 at Oktubre 11. Hindi masyadong pansin ang patayan sa barangay Pinyahan noong simula ng taon. Ngunit mula ika-15 ng Hulyo hanggang ika-11 ng Oktubre, sa loob ng kulang-kulang apat na buwan, siyam ang pinatay sa aming parokya’t barangay. At matatapos na lang ang taon, nang pinatay ang mag-inang Sonya at Frank Gregorio sa Paniqui, Tarlac. Hamon: Paano patitigilin ang patayang isinasagawa ng mismong mga opisyal at kanilang alipores na may tungkuling ipagtanggol ang mamamayan? Pagpapala: Mahaba ang palitan sa social media pagkatapos patayin ang mag-inang Sonya at Frank. Dapat lang magpatuloy ang palitan, upang unti-unting harapin nating lahat ang malalim na sakit ng ating lipunan. Kapag malaman natin ang sakit, maaari natin itong sama-samang gamutin.
Marso hanggang Disyembre 2020: Hamon: Naghirap ang buong sambayanan. Maraming nagutom at umasang tatanggap ng ayuda o ng anumang halaga mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan. Pagpapala: Subalit, marami ring nagsikap na tuklasin ang anumang paraan upang buhayin ang sarili. Maraming nagluto at nagbenta ng pagkain. Marami ring nag-alaga ng mga halaman, naging “plantita’t plantito” at kumita mula rito. Marami ring ginamit ang talent sa pag-awit; komposisyon; pagsusulat; pag-pipinta at kung anu-ano pang maaaring gawin upang kumita ng kaunti araw-araw sa halip na maghintay lamang ng pagdating ng ayuda.
Sa pinakahuling araw ng taon, sa misa ng gabi, ang mga pagbasa sa lahat ng mga simbahan ay tungkol kay Maria, Ina ng Diyos.
Siyam na buwan, mula Marso hanggang Disyembre. Tila sumabay ang lahat kay Maria sa pagsilang ng bagong buhay, bagong pag-asa. Napakaraming pinagdaanang panganib at hamon ng banal na mag-anak na Hesus, Maria at Jose. Ngunit, sa gitna ng lahat ng panganib, hindi sila pinabayaan ng Diyos at hindi rin sila nawalan ng tiwala at pag-asa sa kapangyarihan ng Diyos. Sa taong nagdaan, maraming luha ang tumulo sa ating mga mata. Ngunit, kasunod at minsan kasabay pa nito ang kakaibang kapayapaan at galak na ipinadarama ng Diyos sa kalaliman ng ating puso’t kaluluwa. Tingnan nating maigi kung paano sa gitna ng inyong paghihirap at kawalan, naroroon sumasagip, nagpapalaya at nagbibigay ng higit pang buhay.





Comments