Paalala sa mga botante, walang kantiyawan para iwas-gulo
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 9, 2022
“Sa hinaba-haba umano ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.” Ito ang kasabihang iiral sa araw na ito dahil matapos ang napakaraming preparasyon ay ngayong araw na natin hahatulan ang lahat ng kandidato sa bansa.
Ngayon na mismo ang araw ng eleksyon at malaya nating maisasagawa ang pagboto na bukod sa isang karapatan bilang isang Pilipino ay isa rin itong banal na pananagutan sa ating bansa para makapili ng mga kandidatong nais nating maluklok.
Mula konsehal hanggang pangulo ay pipili tayo ng nais nating iboto at naniniwala akong may mga napili na tayong dapat nating suportahan ngunit ang higit na inaabangan ng marami ay kung sino ang itatanghal na bagong pangulo at pangalawang pangulo ng bansa.
May mga kababayan tayong may napili nang kandidato na kanilang iboboto ngunit hindi nila kabisado partikular ang mga numero kaya mas mabuting bago umalis ng bahay ay magdala ng listahan upang hindi na magtagal sa presinto sa kahahanap sa pangalan ng nais iboto.
Bagama’t hindi pa opisyal ay inaasahang mamayang gabi pa lamang ay mayroon na tayong impormasyon kung sinu-sino ang mga nanalong kandidato sa mga lokal na pamahalaan at tiyak na may mga inisyal na ulat na ‘yan kung sino ang nasa Top 5 na senador at nangungunang presidente at bise presidente.
Medyo kritikal para sa mga supporter ang paghihintay ng resulta ng boto dahil habang nagpapalitan sa puwesto ang kanilang kandidato ay painit nang painit ang sitwasyon at hindi maiiwasang mauwi sa kantiyawan lalo na sa labas ng mga presinto.
Ito sana ang ating iwasan dahil marami ng pangyayari sa nagdaang mga halalan ang dahil lang sa kantiyawan ay nauwi sa madugong rambulan na hindi naman makatutulong para baguhin ang resulta ng eleksyon.
Maging mahinahon sana ang bawat isa at kung sakaling nanalo man ang kandidatong inyong sinusuportahan ay magdiwang na lamang kayo nang hindi makakasakit sa damdamin ng mga natalong grupo.
Marami sa ating mga kababayan ang buong-buo ang suporta sa kanilang kandidato at sa mahabang panahon ng kampanya ay nagsikap silang lahat para maipanalo ang kanilang kandidato kaya napakasakit kung matatalo lamang.
Ngunit ganyan talaga sa pulitika, may nananalo at may natatalo, ngunit ang mahalaga ay muli tayong magkaisa, kalimutan na muna ang pulitika at sama-sama tayong suportahan ang kandidatong nanalo para maging magaan ang lahat tungo sa pag-unlad ng ating bansa.
Ngayon pa lamang ay nakakalat na sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga kaanib ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang puwersa ng pamahalaan dahil hindi pa man natatapos ang halalan ay may sisigaw na d’yan ng dinaya.
Paulit-ulit lang naman ang sitwasyon sa halalan, kapag hindi nanalo ay tiyak na mag-aakusa ng pandaraya kahit walang basehan at kadalasan ay pinagmumulan ng gulo mula sa mga supporters na naghahanap na lamang ng ikagagalit.
Ngunit hinahangaan naman natin ang mga kandidatong taus-pusong tinatanggap ang pagkatalo at kung may duda man sa resulta ng halalan ay idinadaan nila sa tamang proseso at legal na paraan para maresolba ang kanilang hinaing.
Hindi naman natin maiaalis sa ilan nating mga kababayan na personal na magbantay sa resulta ng halalan sa mga presinto ngunit sana lang ay mag-ingat na masangkot sa gulo at huwag nating hayaan na magkawatak-watak tayo dahil lamang sa eleksyon.
Kaya nga palagi kong ipinapaalala na sa pagpili natin ng pangulo at pangalawang pangulo ay siguruhin nating pursigido ang kanilang tambalan tungo sa pagkakaisa at hindi gumagamit ng anumang paninira laban sa kanilang mga katunggali.
Piliin din natin ang kandidato sa pagka-pangulo na may mataas na pangarap para paunlarin ang ating bansa at hindi ‘yung mga kandidato na nagpapanggap na may mabuting layunin pero noong binigyan ng pagkakataon para manungkulan ay wala namang nagawa.
Pumili rin tayo ng kandidatong hindi nakikipag-alyansa sa mga terorista dahil malalagay sa peligro ang bansa kung muling lalakas ang pwersa ng mga terorista na wala namang ibang hangad kundi ang mapalakas ang kanilang puwersa.
Sa pagboto para sa pagka-pangulo ay kailangang markahan ang bilog sa tabi ng numero sa pangalan ng kandidato at tiyakin na ang minamarkahan ay ang kandidatong gusto n’yo at huwag kayong malilito, ganoon din sa pangalawang pangulo dapat ay siguradong-sigurado bago markahan ang bilog.
Maging sa pagpili ng ibobotong senador dapat ay 12 lamang at hindi dapat sumobra ang mamarkahang bilog para hindi masayang ang boto — ganoon din sa partylist dapat ay tiyaking isang bilog lamang ang mamarkahan para siguradong mabibilang ang boto.
Tandaan huwag nating iboto ang mga kandidatong nananawagan ng pagkakawatak-watak bagkus ay iboto natin ang kandidatong sinisinop ang sambayanan para magkaisa tungo sa tunay na pagbabago ng bansa.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments